Pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno, samahan ng disiplina sa pagtatapon ng basura
- BULGAR

- Jan 9, 2019
- 2 min read
“DEBOTO ng Itim na Poong Hesus Nazareno: Hinirang at pinili upang maging lingkod.” Ito ang tema ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Poong Nazareno ngayong taong ito. Ngayon, Miyerkules, ika-9 ng Enero ang pista ng Poong Itim na Nazareno, inaasahang muling daragsa ang milyun-milyong deboto ng Itim na Poong Nazareno sa Quiapo. Inaasahan din ng mga luntiang grupo na bumubuo sa Zero Waste Coalition na dahil sa rami ng tao, magkakaroon din ng katumbas na rami ng basura dahil dito.
Katatapos lang ng Pasko at Bagong Taon, alam natin ang nilikhang basura ng walang tigil na pagpa-party sa mga paaralan, opisina, parokya, pamayanan at iba pa. Tuwing may pagdiriwang, hindi lang pagkain o inumin ang nag-uumapaw kundi maging ang basurang mula rito. Paulit-ulit ang pagsasawalambahala sa malalim nang pagdurusa ng kalikasan. Napakalalim at napakasama ng abusong pilit nilalabanan ng kalikasan.
Hindi lang basura ang problema kundi ang walang pakialam na taumbayan. Sa ating bahay o parokya, matagal na nating itinuturo ang paghihiwalay ng basura. Mahalagang bahagi nito ang pagkakaroon ng iba’t ibang lalagyan para sa mga sari-saring “basura”. Tinawag natin ang unang lalagyan na “mabango” — ito ang mga balat ng prutas at mga pinaghiwaang gulay. Tinawag natin ang pangalawang lalagyan na “mabaho” — ito ang mga laman-loob ng isda at pira-pirasong karne ng hayop at ang pangatlong lalagyan ay ang “walang amoy” — ito ang mga papel, plastik, lata at iba pa.
Kung tutuusin, maaari nating pakinabangan ang lahat ng nagmumula sa ating kusina. Maaaring ikompost ang laman ng una at pangalawang lalagyan. Maaaring ibenta o i-recycle ang laman ng pangatlo. Kung ang bagay ay hindi na mapakikinabangan, maikokompost at maibebenta, ito ay “residual waste” na at maaaring ibigay sa truck na nangongolekta ng basura.
Marahil, ito ang malalim na problema na pinag-uugatan ng tuluy-tuloy na paglikha at pagkakalat ng basura, ang paghihiwalay ng kalooban ng tao sa kalooban ni Inang Kalikasan. Paano kaya maiuugnay ang temang “deboto ng Poong Hesus Nazareno, hinirang, pinili upang maging lingkod” sa usapin ng basura at ng sari-saring problemang nilikha ng tao na nakasasama kay Inang Kalikasan.
Kakaibang hamon ito para sa Simbahan, paanong ituturo ang pagkakaroon ng malalim na kaugnayan ng mga deboto hindi lang sa Poong Nazareno kundi sa Inang Kalikasan din?





Comments