Babala sa mga sinehan; pelikula na hango sa buhay ng kandidato, bawal!

MATIGAS ang ulo na parang bato, maraming ganitong kandidato ang tatakbo ngayong 2019 elections.
Ito ay dahil kahit wala pang campaign period ay kaliwa’t kanan na ang paglalagay nila ng posters at tarpaulin, billboards atbp.
Bagama’t, ganu’n talaga kapag kumukuha ka ng simpatiya, gagawin mo ang lahat, makuha lang ang boto ng taumbayan, hindi pa rin ito magandang makasanayan dahil isa ito sa mga dahilan kaya hindi nagiging patas ang laban.
Gayunman, nagbabala si Commission on Elections Spokesperson James Jimenez hinggil sa pagpapalabas sa sinehan ng pelikula ni dating PNP Chief General Ronald “Bato” dela Rosa tungkol sa kanyang buhay o ‘yung tinatawag na biopic na gagampanan ni Robin Padilla na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ngayong taon.
Matatandaang, isa si Dela Rosa sa mga nag-file ng Certificate of Candidacy (CoC) sa pagtakbo bilang senador ngayong 2019 elections at nakasaad sa election rules na ipinagbabawal sa campaign period ang pagpapalabas ng pelikula tungkol sa buhay ng kahit na sinong kandidato o itinatampok ang tatakbo sa anumang posisyon ngayong 2019 Mid-Term Elections.
Kaya mahaharap sa kaso ang mga sinehan na magpapalabas ng pelikula habang isinasagawa ang campaign period, gayundin kapag napag-alamang nakikipagtulungan ang mismong kandidato, maaari siyang maparusahan dahil dito.
Samantala, panawagan natin sa mga tatakbong kandidato, huwag ng matigas ang ulo!
Sumunod na lamang sa patakaran nang sa gayun ay maging mapayapa ang nalalapit na halalan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments