27 drug lords, pulitiko | HIRED KILLER UTAS SA ENGKUWENTRO

NAPATAY ng pulisya sa isinagawang operasyon ang isang lalaki na umano’y hired killer sa Laguna, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Ruel de Chavez, tubong Sariaya, Quezon na lumipat sa kanyang tinutuluyang hideout sa Bgy. Paciano, Bay, Laguna.
Ayon kay Quezon Provincial Police Office Director Sr. Supt. Eleazar Matta, matagal na umanong tinutugis ng mga awtoridad si De Chavez dahil sa umano’y pagpatay nito sa nasa 27 personalidad sa Batangas at pagbebenta ng shabu.
Karamihan umano sa mga biktima ng itinuturing na hitman ay pawang illegal drug personalities at pulitiko na kinokontrata nito.
Ani Matta, natiyempuhan si De Chavez ng pinagsamang puwersa ng Provincial Intelligence Branch, Provincial Mobile Group, Provincial Drug Enforcement Unit at Bay Municipal Police station sa isang inilatag na anti-drug bust operation sa Bgy. Masaya alas-8:00 ng umaga.
Rito lumalabas sa imbestigasyon na si De Chavez ay miyembro ng Batang Kubo o Bantugon Gun for Hire Syndicate na kumikilos sa malaking bahagi ng Batangas at Quezon.
Target umano ng grupo ni De Chavez sa paglikida sa mga kalaban ng ibang illegal drug group at maging sa ilang mga pulitiko sa lugar na kinokontrata rin ng ilang pulitiko sa iba’t ibang lugar sa Laguna, Batangas at Quezon kaugnay sa darating na 2019 elections.
Hindi na naibahagi ni Matta ang mga pangalan ng mga personalidad na napatay ni De Chavez.





Comments