Pinakamabuting lunas para sa kanser

Dear Doc. Shane,
Ako ay na-diagnosed na may prostate cancer. Sa pagkakaalam ko, wala sa lahi namin ito kaya nagtaka ako na nagkaroon ako nito. Ano ang pinakamabisang lunas para rito? — Gener
Sagot
Ang kanser ay maaaring magsimula sa anumang bahagi ng katawan na binubuo ng trilyong selula. Sa normal na kalagayan, ang cells sa katawan ng tao ay lumalaki at nahahati para bumuo ng bagong cells kapag kailangan na ito ng katawan.
Maraming kanser ang nagsisimula sa tumor o kumpol ng tissue. Ang kanser sa dugo na kilala bilang leukemia ay hindi nagiging sanhi ng pagkakaroon ng tumor.
Gayundin, ang mga pagbabago sa genes na nagiging dahilan ng kanser ay maaaring manahin natin sa ating mga magulang. Maaari rin itong tumubo sa tao dahil sa resulta ng mga pagkakamali sa paghati ng mga selula o dahil sa pinsala sa DNA na sanhi ng lason. Ang usok ng sigarilyo at radiation tulad ng ultraviolet ray na galing sa araw ay maaaring maging sanhi ng kanser.
Ano ang maaaring lunas sa kanser?
• Operasyon — paraan ito para alisin ang kanser. Gayunman, hindi lahat ng uri ng kanser ay ginagamitan ng operasyon. Halimbawa, ang kanser sa dugo tulad ng leukemia ay nilulunasan sa pamamagitan ng gamot.
• Chemotherapy — ang pamamaraang ito ay ginagamit para patayin ang cancer cells o para pabagalin ang kanilang pagdami. Ang ilang uri ng chemo ay maaaring ibigay sa pamamagitan ng suwero, ang iba ay pills na maaaring inumin. Dahil ang mga gamot na pang-chemo ay maaaring mapunta sa lahat ng bahagi ng katawan ng tao, ito ay kapaki-pakinabang gamitin para sa mga kanser na kumalat na.
• Radiation — ito ay ginagamit para patayin o pabagalin ang pagdami ng cancer cells. Maaari itong gamiting mag-isa o may kasamang operasyon o chemo. Ang radiation treatment ay parang pagpapa-x-ray.
Ang gamot sa kanser ay depende kung ano ang pinakamabuti para sa pasyente. Ang ilang uri ng kanser ay bumubuti sa pamamagitan ng operasyon, samantalang, ang iba ay bumubuti sa pamamagitan ng chemo o radiation.
Tandaan: Ang lahat ng gamot sa kanser ay may side-effects. Itanong sa doktor kung ano ang mga dapat asahan habang ginagamot. Huwag tayong mahiyang magtanong.





Comments