Mga nakatenggang housing unit na bahagi ng pabahay ng pamahalaan, ibigay na sa mga karapat-dapat na
- BULGAR

- Jan 8, 2019
- 2 min read
GAMIT ang bato, aktuwal na kinalampag ng 200 miyembro ng grupong Kadamay ang gate ng National Housing Authority (NHA).
Ito ay para paalalahanan ang ahensiya hinggil sa ipinangakong pabahay ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan tila naibaon na umano sa limot at hindi na natupad.
Matatandaang, noong nakaraang taon ay may ilang Kadamay ang nahuling nagbebenta umano ng mga pabahay na ibinahagi sa kanila ng gobyerno, ito kaya ang rason kaya nahinto sila sa pagbibigay? Hmmm…
Samantala, sa pangunguna ng kanilang national chairperson na si Gloria Arellano, nanawagan ang grupo na nais nilang bumaba sa puwesto si P-Duterte dahil dito.
Gayunman, bagama’t, ipinangako ng gobyerno ang nasabing housing project, responsibilidad pa rin ng mamamayan na pangalagaan ito at patunayan na karapat dapat sila para rito dahil kung tutuusin, maraming Pinoy ang walang matirhan, pero ang ilan sa atin ay gumagawa ng sariling paraan at hindi dumedepende sa pangulo o sa mga kinauukulan.
Kaya ang paalala natin sa lahat, hindi tayo obligasyong buhayin ng gobyerno, dapat bilang indibidwal, marunong tayong magsikap para makaahon tayo sahirap, gayundin ‘yung mga proyektong isinasagawa ng pamahalaan, gamitin natin ito nang maayos at huwag sanang pagkakitaan.
Totoo, mahirap ang buhay at maraming pagkukulang ang pamahalaan, pero hindi ibig sabihin nito ay bawat problemang ating pagdaraanan ay sila lang ang may kasalanan, minsan, tayong mga tao rin ay may pagkukulang kaya hindi umuunlad ang ating buhay.
Ngayon, ‘yung mga nakatenggang housing unit na bahagi ng pabahay ng gobyerno, ibigay na lang sana sa mga pamilya na karapat-dapat mabigyan nang sa gayun ay tunay na mapakinabangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments