2 PINOY WEIGHTLIFTERS, ANGAT SA 14 NA QUALIFIERS NG 2020 TOKYO
- Eddie M. Paez, Jr
- Jan 8, 2019
- 2 min read

DALAWANG weightlifters ng Pilipinas ang pasok sa unang labing-apat sa buong mundo kung ang pagbabasehan ay qualifying points na naipon nila para sa 2020 Summer Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan.
Ito’y sina Hidilyn Diaz na nasa pang-11 puwesto sa women’s 55 kgs samantalang si Nestor Colonia ay nakasampa sa pang-13 baytang sa grupo ng mga nasa 61-kgs. sa kalalakihan.
Bagong hamon ang 55-kgs kay Diaz dahil hindi ito ang kategorya kung saan siya nakakuha ng pilak na medalya sa nakaraang Olympics kundi sa 53 kgs. Pero sa Tokyo, wala na sa eksena ang 53 kgs. na pangkat kaya naobligang maghanda ang pinakaunang Pinay Olympic Silver medalist sa 55 kgs. na bakbakan. Mayroong 829.5184 puntos ang Pinay at malayo ito sa produksiyon ng tumatrangkong Thai na si Sukanya Srisurat (1,292.6207).
Sa kabilang dako, si Colonia ay may rekord nang 767.8449 puntos pero kagaya rin ng sitwasyon ni Diaz, ito ay lubhang nadistansyahan sa nairehistrong 1,159.6569 puntos ni Indonesian Eko Yuli Irawan.
Ang iba pang weightlifters ng bansa ay nasa labas na ng top 25. Si Jeffrey Garcia na nasa bracket ng 67-kgs ay nakalikom ng 559.1404 puntos para mapako sa pang-26 na posisyon. Ito ay milya-milya sa tangan ng frontrunner mula sa China na si Lijun Chen (1,111.0784 puntos). Pang-38 na puwesto si Elien Rose Perez sa ranggo ng mga nasa 49-kgs. dahil sa 385.0438 puntos lang ang nakuha nito. Isa pang Thai ang nangunguna sa grupo (Chayuttra Pramongkhol, 1,211.7580 puntos).
Base sa patakaran, maraming paraan para makalahok sa 2020 Olympics. Isa na rito ay kung mapapabilang ang isang atleta sa 14 na atleta kada bodyweight category at kung makakakuha ng upuan sa pamamagitan ng International Weightliftting Federation (IWF) Absolute Ranking.





Comments