top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pagkakaantala ng dagdag-sahod, inalmahan ng ilang public school teachers!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 7, 2019
2 min read

HINDI lahat ng Bagong Taon ay masaya at punumpuno ng magandang balita, ‘yung iba buwenamano sa kamalasan. ‘Yun lang!

Totoong masamang balita para sa mga empleyado ng gobyerno ang pagkakaantala ng huling bugso ng kanilang salary adjust­ment, ito ay dahil nakabimbin pa rin umano ang pagpasa sa 2019 National Budget.

Gayunman, umalma ang grupo ng mga guro hinggil dito kung saan ayon kay Joselyn Martinez, National Chairperson ng ACT-Teacher’s Partylist, hindi simpleng suliranin ang epekto ng Tax Reform Law para sa kanila kaya umaasa sila na sa isinusulong nilang dagdag-sahod ay makatutulong ito sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.

Matatandaang, matagal na nila itong isi­nusulong, pero ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ay marami pang aayusin sa kanilang salary system.

Pero, anila, hindi na sana ito lalala kung hin­di ipinagpatuloy ang tax reform law o TRAIN Law na pinaniniwalaang dahilan kung bakit maraming nahirapan at kinapos noong nakaraang taon dahil sa sunud-sunod na pag­taas ng presyo ng mga bilihin, petrolyo, pasahe at mara­mi pang iba, gayundin, pinuna ng grupo ang hid­waan sa pagitan ng mga kongresista at ni Budget Sec. Benjamin Diokno bilang isa sa mga dahilan kung bakit naaantala ang pagsa­sapinal ng 2019 National Budget.

Kaya ang panawagan ng lahat, kung may posibilidad na totoo man ito, huwag na sanang idamay ang “salary adjustment” sa mga per­sonal issue sa buhay kasi hindi ito nakatu­tulong!

Maliban pa rito, nanawagan din ang mga guro kay Pangulong Rodrigo Duterte na ikon­sidera ang pagtataas sa sahod ng mga public school teacher pati na ang benepisyong dapat nilang matanggap.

Nagpalit na ang taon, pero ang mga ka­hilingan noon ay wala pa ring tugon mula sa gobyerno. Kaya ang hiling natin, kahit kaunting konsiderasyon, sana ay mabigyan sila ngayong taon!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page