top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Mga komunista, binigyan na ng puwesto sa gobyerno, ‘di pa sineryoso

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 7, 2019
3 min read

AYON sa mga komunista, para raw sila mahirap, pero nang binigyan sila ng pagkakataon ng gobyerno na magsilbi sa taumbayan ay hindi nila sineryoso ang kanilang mga trabaho. Naakusahan pa umano sila na ginamit lang nila ang kanilang mga puwesto sa estado.

Noong nagsisimula pa lang ang administrasyon, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga komunista (at dating komunista) ng mahahalagang posisyon sa kanyang gabinete.

Nangarap noon si P-Duterte na maisusulong ang “peace talks” para matapos na ang 50-taong re­belyong ito. Malamang, naisip ng pangulo na hak­bang ito para magkaroon na ng lubos na kapayapaan sa mga probinsiya.

In-appoint niya si Judy Taguiwalo, dating mi­yembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), bilang secretary ng Department of Social Welfare and Development. Itinalaga rin si Rafael Mariano, dating lider ng Kilu­sang Mambubukid ng Pilipinas bilang secretary ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang grupong KMP ni Mariano ay kilala bilang kaalyadong grupo ng CPP-NPA.

May iba pang kilalang komunista na nabigyan din ng posisyon sa gobyerno tulad ni Terry Ridon na naging chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor.

Nariyan din ang dating partylist na kongresis­tang si Liza Maza na naitalaga bilang chairman ng National Anti-Poverty Commission.

Isang taon lamang ang nakalipas ay wala na ang mga “pulang” ito sa gobyerno. Si Ridon ay sinibak ng pangulo dahil umano sa kanyang sobrang pagga­mit ng pondo ng bayan para sa sunud-sunod na mga biyahe abroad.

Nagbitiw din sa puwesto si Maza. Sina Tagui­walo at Mariano ay hindi rin nagtagal sa gobyerno. Akala ng iba, ang Kongreso ang dahilan kaya naalis agad sa gabinete ang dalawa.

Ibinasura ng Commission on Appointments ang appointment nina Taguiwalo at Mariano matapos ang maraming tanong na hindi nila masagot ng ma­ayos — kung hanggang ngayon ba ay sumusuporta pa rin sila sa CPP-NPA.

Alam ng lahat na ang layunin ng CPP-NPA ay pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng ar­madong pakikipaglaban. Ayaw ng CPP-NPA sa sis­temang demokrasya marahil, ang type nila ay siste­mang komunismo.

Noong confirmation hearing ni Taguiwalo, diretso siyang tinanong ni Sen. Panfilo Lacson: Itina­takwil mo ba ang paggamit ng dahas para maipakita ang pagkontra sa gobyerno?

Ayaw umanong sagutin ni Taguiwalo nang diresto ang tanong at halip ay parang dinepensahan pa nito ang NPA at sinabing nakikipaglaban daw ang mga ito para sa taumbayan.

Hindi katanggap-tanggap ang sagot na ito para kay Sen. Lacson, lalo na at dati itong hepe ng Philip­pine National Police. Marami nang pulis ang napatay ng mga NPA, sunod lang sa rami ng na-ambush na mga sundalo.

Hindi nagustuhan ni Sen. Lacson ang pag-iwas ni Taguiwalo sa tanong niya. Ipinaalala pa niya na mayroon siyang kaklase noon sa Philippine Military Academy (PMA) na binaril at napatay ng NPA noong 1987.

Lumabas lang daw ang kanyang kaklase para bumili ng spareparts, pero pinatay daw siya ng NPA dahil nakasuot ito ng military uniform.

Kamakailan, todo-banat na rin si P-Duterte sa mga komunista na dati ay kaalyado niya.

Sinabi ni P-Duterte na nagsagawa noon sina Mariano at Taguiwalo ng kaduda-dudang mga polisiya.

Halimbawa, si Mariano ay nanghihimok daw sa mga tao na sakupin ang lahat ng bakanteng lupain na makikita nila kesyo pag-aaring pribado o gobyernong lupa ito. Iligal ang kilos na ito, labag sa ating mga batas ang tungkol sa lupain at ari-arian.

“Kaya napilitan akong sabihin sa kanya, huwag mong gagawin ‘yan dahil uutusan ko ang kapulisan na arestuhin ka at kapag naglaban ka, barilin ka,” sabi ni P-Duterte sa harap ng media noong Biyernes.

Si Taguiwalo ay inuuna pa raw ang mga miyembro ng komunistang NPA na makakuha ng pera at benepisyo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno.

Inulit ng pangulo ang akusasyon ng ilang lehis­lador na ginamit umano ni Taguiwalo ang pondo para matulungan ang NPA sa pagbili ng mga armas at bala.

Mariing itinanggi ni Taguiwalo na ginawa niya ito. Itinanggi rin niyang aktibong miyembro pa rin siya ng CPP-NPA.

Sa confirmation hearing naman ni Mariano, dininig ang mga alegasyon na may kinalaman ito sa pag-atake ng NPA sa Davao province noong Abril 2017. Wala raw siyang partisipasyon dito at itinanggi rin niyang miyembro siya ng CPP-NPA.

Itinigil ng pangulo ang pakikipag-usap nito sa CPP-NPA at inutusan niya ang militar na tapusin na ang mga ito.

Matagal nang naideklara ng Estados Unidos at European Union na terrorist group ang CPP-NPA.

Ayon kay P-Duterte, nagpaplano ang mga komu­nista na matanggal siya sa puwesto. Dagdag pa niya, “Ayan lang ang alam nilang gawin, 52 taon na, ang pabagsakin ang gobyerno at sirain ang pagbibigay nito ng serbisyo, patayin ang mga sundalo at pulis at patayin lahat ng kalaban nila.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page