Babaeng kidnaper, arestado

KALABOSO ang isang babaeng kidnapper nang tangkain umano nitong tangayin ang 3-anyos na lalaki, kamakalawa ng gabi sa San Andres Bukid, Manila.
Naaresto ang suspek na si Charito Fernandez, 45, ng Bgy. Bonifacio, San Carlos City, ng mga tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP) na agad nakaresponde matapos humingi ng tulong ang isang barangay kagawad.
Ayon kay Alicozaman Capal, 52, ama ng paslit na si Ayman-Ismael, narinig niya ang boses ng anak na umiiyak at nang tingnan sa bintana nakita nito na kinakaladkad ng suspek sa kalsada ang bata.
Lumabas ng bahay si Capal at agad na hinabol ang suspek kaya nabawi ang bata habang agad na humingi ng tulong sa pulisya si Kagawad Asgar Datumanong.
Alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima.
Ayon kay PS/Insp. Dave Garcia, ang suspek ay ang babae na una nang nag-viral sa social media noong Marso 2018 na nangidnap ng mga paslit kasabwat ang mga babaeng nakasakay sa mga van.
Patuloy namang iniimbestigahan ang suspek upang makilala ang iba pa niyang kasabwat sa pangingidnap.





Comments