top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Maaaring gawin kapag hindi pa nakukuha ang maternity benefit sa SSS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 6, 2019
  • 2 min read

Dear Atty. Art,

Magandang araw! Ako ay janitor sa opisina sa Ortigas. Nais kong humingi ng tulong sa maternity benefit ko dahil hindi ko pa ito nakukuha. Nanganak ako noong huling linggo ng Oktubre 2018, pero wala pa ang maternity benefit ko. Hindi pa raw naaasikaso ng agency ko. Paano kaya ito? — Sellene ng Quezon City

Sagot

Mabuting araw, Sellene! Sa ilalim ng SSS maternity benefit, pinauunang bayaran ng employer ang benepisyo ng kanyang empleyado. Ang employer naman ang babayaran ng SSS matapos maisumite nito ang SSS Maternity Benefit Reimbursement Application Form. Sa nasabing form, isesertipika ng empleyado na naipauna na ng employer ang benepisyo sa kanya. Kaya kung hindi pa paunang naibayad ang maternity benefit, huwag pirmahan ang form, bagkus, dapat i-report mo ito sa SSS upang maituro sa iyong employer ang tamang paraan ng pagbibigay ng maternity benefit.

Nais naming ipaalala na kukumpirmahin mo sa pamamagitan ng pagpirma sa SSS Maternity Benefit Reimbursement Application Form na ang aprubadong halaga na nakasaad sa form ay pauna ng naibayad sa iyo. Ibig sabihin, pinatutunayan mo na naibigay na sa iyo ang nasabing benepisyo. Ang employer ang babayaran ng SSS sa maternity benefit reimbursement kaya ang halagang ibabayad ng SSS ay papasok sa account ng employer.

Subalit, kung napirmahan mo ang SSS Maternity Benefit Reimbursement Application Form ngunit, hindi mo pa natatanggap ang maternity benefit, sinisertipikahan mo na natanggap mo na ang aprubadong halaga. Bunga nito, hindi mapipilit ng SSS na paunang bayaran ng iyong employer ang maternity benefit mo. Palagi naming ipinapayo sa mga miyembro na kung hindi pa naibayad ang maternity benefit, huwag pipirmahan ang form. Ang dapat gawin ay i-report ito sa SSS upang maituro sa iyong employer ang tamang paraan ng pagbibigay ng maternity benefit.

Nais naming gamitin ang pagkakataong ito upang tawagan ng pansin ang mga employer na sa ilalim ng Social Security Law, ang employer ang mag-aabono ng maternity benefit ng kanyang empleyado.

Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page