Karunungan ng nakaraan, nagpapakita ng liwanag ng katotohanan
- BULGAR

- Jan 6, 2019
- 2 min read
ANO ang ibig sabihin ng pista ng Tatlong Hari, bakit tinatawag ding Epipaniya ang naturang kapistahan? Epipaniya o ang pagpapakita ng Diyos ang tunay na pangalan ng pista sa unang linggo pagkatapos ng Pasko. Hinanap ng 3 pantas ang dakilang sanggol na ipinangako ng mga propeta. Sinundan nila ang isang bituin na ituturo ang tahanan ng sanggol. Itinuro nito ang sabsabang tinutuluyan nina Hesus, Maria at Jose nang makita ng tatlong pantas ang sanggol, nagbigay-puri ang mga ito sa Panginoon at naghandog sila ng kani-kanilang regalo.
Ayon sa propeta, ang bituin, Tatlong Hari, sabsaban, pamilya at sanggol ang anim na sangkap na maaaring magbigay sa atin ng pang-unawa sa pagpapakita ng Panginoon.
Una, palaging pinag-aaralan, pinagninilayan at dinadasalan ng mga Esraelita ang mga sinasabi ng propeta. Para sa atin, kailangan din nating pag-aralan ang sinasabi ng mga propeta na itinuturo tayo sa malalim na sinasabi ng Diyos.
Pangalawa, may kakaibang liwanag ang bituin na magtuturo sa atin kung nasaan ang kapayapaan, katotohanan, pag-asa at kaligtasan. Ang bituin, ang liwanag ng ating pananampalataya na kailangan nating pangalagaan.
Pangatlo, bibigyan tayo ng Panginoon ng tatlong pantas — mga taong marunong at banal na tutulungan tayong unawain ang mga tanda ng panahon (signs of the times) at ang kalooban ng Diyos upang malaman natin ang angkop na pagtugon at pagkilos.
Pang-apat, hindi nababawasan ang sabsaban — mga dukhang tinutuluyan ng dumaraming mahihirap sa mundo. Dumarami ang matataas na gusali at subdibisyon subalit, higit na dumarami ang mga mahihirap na walang sariling tahanan at nakatira lamang sa lansangan.
Panlima, ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria at Jose ay nananawagan sa atin na palakasin natin ang lahat ng pamilya na siyang pundasyon ng lipunan at ng Simbahan.
Pang-anim, ang Banal na Sanggol na Hesus ay nag-aanyaya sa bawat isa na muling imulat ang kanyang isip, puso at kaluluwa sa tunay kabuluhan ng buhay.
Ang karunungan ng nakaraan, ang tila nagtatago ngunit, palaging nagpapakita ng liwanag ng katotohanan na nagbibigay-direksiyon at pag-asa. Kailangan nating tumingin nang mas malalim sa loob at labas upang higit nating makita, marinig, madama at makasalamuha ang Diyos na palaging nagpapalaya sa ating lahat.





Comments