2 PA SA GUNMEN NI BATOCABE, SUMUKO

DALAWA pa sa itinuturong gunmen sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at sa security aide nito na si SPO2 Orlando Diaz ang sumuko na sa pulisya.
Sa ngayon, anim na sa mga itinuturong mga sangkot sa krimen ang nasa kostudiya na ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, Biyernes ng gabi nang sumuko ang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na si Rolando Arimando at ang Cafgu member na si Danilo Muella.
Unang sumuko si Arimando sa Provincial Police Office ng Sorsogon habang si Muella ay lumutang sa Albay Provincial Police Office.
Bukod kina Arimando at Muella, lumantad na rin sa Taguig City police para sumuko si Jaywin Bador araw din ng Biyernes.
Nasa kostudiya na ng PNP-Intelligence Group si Bador. Sinabi ni Bador na agad siyang lumuwas ng Maynila para magtago ilang oras nang maganap ang pamamaslang kay Batocabe.
Si Bador ay nagsilbing lookout at driver ng isa sa mga motorsiklo na ginamit sa pagtakas ng mga gunmen.
Nauna rito, sumuko sa mga awtoridad si Christopher Naval na dating miyembro ng Philippine Army at ang Cafgu member na si Emmanuel Rosello.
Si Naval ay sinasabing miyembro ng security team ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na siya namang itinuturong utak sa naganap na pamamaslang.
Naunang sumuko sa mga opisyal ng Philippine Army sa Sorsogon ang dating miyembro rin ng NPA na si Henry Yuson.
Si Yuson ang naunang nagkumpirma na si Baldo ang mastermind sa pagpatay sa mambabatas.
Lumutang ang mga pangalan ng nasabing mga suspek nang lumantad si Emmanuel Bonita Judavar na nagsabing si Baldo ang utak sa krimen at isinagawa ang plano ng pagpatay kay Batocabe noong Agosto makaraan siyang magdeklara na tatakbo bilang alkalde sa bayan ng Daraga.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Albayalde na napilitang sumuko ang mga suspek sa krimen nang mabigong makuha ang pera na ipinangako sa kanila ni Baldo na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Katwiran umano ni Baldo, hindi siya makakukuha agad ng pera sa bangko dahil sa umiiral na regulasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).





Comments