Gunman sa pagpatay kay Batocabe, sumuko na

NASA pangangalaga na ng Bicol police ang 38-anyos na itinuturong gunman sa pananambang kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe, matapos itong sumuko sa militar, Huwebes ng hapon.
Si Henry Yuson, dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ay inilipat sa kostudiya ng Albay Provincial Police Office (APPO) sa pangunguna ni Chief Supt. Arnel Escobal.
Una umanong sumuko si Yuson sa isang Army Unit sa Sorsogon bago nailipat sa kostudiya ni Escobal.
Ayon kay Escobal, bukod sa kaugnayan ni Yuson sa pagpatay kay Batocabe ay may standing arrest warrant din ito para sa kinahaharap nitong kasong rape.
Si Yuson ayon kay Escobal ang siyang itinuturong bumaril at nakapatay sa mambabatas gamit ang caliber .40 pistol.
Matatandaang, si Batocabe at kanyang security aide na si SPO2 Orlando Diaz ay pinagbabaril ng grupo ni Yuson habang nagsasagawa ang mga biktima ng Christmas gift-giving sa mga senior citizen sa Daraga, Albay noong Disyembre 22, 2018.
Kalaunan ay isinangkot ng dalawang pangunahing suspek na sina Christopher Cabrera alyas Tuping at Emmanuelle Judavar na ang alkalde ng Daraga na si Carlwyn Baldo ang utak sa pagpaslang sa kongresista.
Si Yuson ay kabilang sa pitong salarin na inupahan umano ni Mayor Baldo para likidahin si Batocabe. Sina Cabrera, Judavar at Rosello na pawang mga nasa likod ng pananambang sa mambabatas ay naging pangunahing mga testigo sa kaso.
Samantala, inihahanda na ng pulisya ang paghahain ng kahilingan sa Department of Justice (DOJ) na isailalim si Baldo sa Hold Departure Order (HDO) sa pangambang maaaring lumabas ito ng bansa para takasan ang kinahaharap na kaso.





Comments