Paghahanda sa mga sakuna sa bansa, higpitan pa!

MARAMI nang dumaang sakuna sa bansa, pero sa tindi ng mga ito at kakulangan natin sa paghahanda, may iilan pa rin sa ating mga kababayan ang napapahamak at ‘yung iba pa ay nagbubuwis ng kanilang buhay.
Kaya sa pamiminsala ng Bagyong Usman kamakailan ay may mga buhay na namang nawala at tuluyan nang inagos ng kapalaran. Sadyang nakalulungkot ang mga ganitong pangyayari dahil wala tayong kalaban-laban kapag kalamidad na ang ating nakalaban.
Kaya, paulit-ulit natin ipinaalala sa publiko na importante talaga ang pakikinig at pagsunod sa mga kinauukulan upang maagapan ang kapahamakan na maaari nating maranasan.
Gayunman, may mga residente pa ring matitigas ang ulo dahil natatakot silang umalis sa lugar kung saan sila naghahanapbuhay, pero kung iisipin nating mabuti kung mananatili tayo sa lugar na delikado, paano pa natin magagamit ang ating yaman kung ito ang maglalagay sa atin sa kapahamakan at kamatayan?
Samantala, ang panawagan natin sa lahat kung may abiso na ang mga awtoridad, sumunod na lamang at huwag nang matigas ang ulo nang sa gayun ay hindi tayo magsisi sa huli.
Gayundin, para naman sa gobyerno, tutukan ang mga proyektong mas matagal na mapakikinabangan sa oras ng sakuna at hindi ‘yung mga maliliit na proyektong hindi naman maramdaman ng ating mga kababayan dahil nabibilang lang sa kamay ang nakikinabang!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments