WATANABE, SASABAK SA WORLD JUDO CHAMPIONSHIP SA CHINA

SASALI si Olympic hopeful at Asian Games silver medalist and Southeast Asian Games queen Filipino-Japanese Kiyomi Watanabe sa World Judo Championship sa Abril sa China.
Sa eksklusibong panayam kay Philippine Amateur Judo Association (PAJA) secretary general Leo Panganiban makikipagsabayan and 20-anyos na Tokyo-based judoka sa mga kalaban na tulad niyang hangad na makapaglaro sa Olympics na tinatawag na world’s “greatest sports spectacle” na pangalawang beses na gagawin sa Japan na ang una ay noong 1964 kung saan unang nilaro ang judo.
“Watanabe has to figure prominently in this tournament to keep her dream competing in the Olympic,” sabi ni Panganiban sa anak ng Pinay na taga-Cebu na si Irene Sarausap.
Ang torneo na gagawin sa China ay isa sa tatlong qualifying competitions sa Olympics at kailangang maganda ang performance ng undisputed ruler sa Southeast Asian Games at makapaglaro sa quadrennial meet.
Hindi sinabi ni Panganiban kung ilang mga bansa ang kalahok sa qualifying competition sa China. Ang 63kgs. ang dibisyon na dinomina ni Watanabe sa Southeast Asian Games mula 2013 sa Myanmar at napanatili hanggang 2017 sa Malaysia.
Inaasahang muling mananalo si Watanabe sa 2019 edition na gagawin sa ‘Pinas.
Nasa top 16 ranking si Watanabe at kailangan niyang mapanatili ang kanyang ranking para makapaglaro sa Tokyo kung saan siya nakatira.
Siyam na Pinoy ang nakapaglaro sa Olympics at kung papalarin si Watanabe, siya ang pangalawang Fil-Jap na nakapaglaro sa Olympics, kung saan ang una ay si Vicente Uematsu na lumaban noong 1964 kasama sina Narzal Garcia, Thomas Ong at Bernardo Repuyan.
Sina John Baylon at Jerry Dino ang huling dalawang Pinoy na sumabak sa Olympics noong 1992 sa Barcelona.
Malaki ang tsansa na makapaglaro si Watanabe sa Olympics dahil may natatanging galing, talino at malawak ang karanasan na lumahok sa maraming international judo competitions kasama ang World Grandslam sa Paris, France na nanalo ng tanso at sa World Judo sa Austria at Budapest, Hungary bukod sa Asian Games, Asian Judo at SEA Games.
Si Watanabe ay kasama sa priority athletes ng Philippine Sports Commission.





Comments