Biktima ng paputok bumaba nang 68% — DOH
- Madel Moratillo
- Jan 2, 2019
- 1 min read

NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng ‘biggest drop’ sa bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok ngayong taon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, maaaring dahil ito sa inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 28 na nagbabawal sa paggamit ng paputok sa maulang panahon.
Mula December 21, 2018 hanggang January 1, 2019, aabot sa 139 na firecracker-related injuries ang naitala ng DOH.
Mas mababa nang 68 porsiyento kumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon na may 428 na kaso. Ani Duque, ito ang may pinakamalaking bawas sa bilang ng mga nabibiktima ng paputok.
Nangunang sanhi ng mga pagkasugat ang kwitis o rocket na may 30 kaso.
Sumunod ang 16 kaso ng PVC cannon o boga habang isa rin sa mga naging sanhi ng pagkasugat ang piccolo na may 15 kaso at lusis na may walong kaso.
Samantala, karamihan naman sa bilang ng mga sugatan ay nakuha sa National Capital Region (NCR) na may 53 kaso, sumunod ang Western Visayas na may 26 na kaso at Central Visayas na may 13 kaso.
Gayunman, posible pa umanong madagdagan ang kaso oras na makarating sa kanila ang reports mula sa mga probinsiya.





Comments