TAKBRO 2019 NG DLSU ILALARGA NG PAR SA IMUS

GAGANAPIN sa Enero 27 ang “TakBro 2019” isang fun run na hatid ng De La Salle Philippines at Pinoy Aspiring Runners (PAR) sa malawak na Vermosa Estate sa Imus City, Cavite simula 4:00 ng madaling araw. Bukas ito sa publiko at ang malilikom na salapi ay mapupunta sa mga piling paaralan ng La Salle sa Pilipinas.
Ang De La Salle Andres Soriano Memorial College sa Toledo City, Saint Joseph School-La Salle sa Bacolod City at De La Salle John Bosco College sa Bislig City ang mga napiling tatanggap ng ayuda na inaasahang aabot ng P2-M. Karamihan ng halaga ay ilalaan sa pagsasanay ng mga guro.
Maaaring sumali sa 10-km, 5-km at 3-km. Tumungo lamang sa mga sangay ng Garmin sa SM o bumisita sa takbro.eventbox.ph para sa online registration. Mayroon ding palista sa mga paaralan ng De La Salle University-Manila, College of Saint Benilde, De La Salle-Zobel, De La Salle University-Dasmarinas, De La Salle Medical and Health Sciences Institute, De La Salle Araneta University, De La Salle-Lipa, La Salle College-Antipolo at La Salle Green Hills. May kasamang t-shirt at numero ang bawat race kit at lahat ng magtatapos ay gagawaran ng medalya. Ang bayad ay P850.00 para sa 10-km, P750.00 sa 5-km at P700.00 para sa 3-km. Magwawagi ng mga regalo ang unang tatlong mananakbo sa bawat distansya at lahat ng sasali ay puwede ring manalo sa raffle pagkatapos ng karera.





Comments