top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Masaya at malungkot na karanasan noong 2018, sana maging mabuting alaala at aral ngayong 2019

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 31, 2018
2 min read

KAKAIBA talaga ang pagdiriwang ng Pasko. Hindi lang ito isang araw kundi mahabang panahon nang paghahanda. Salamat sa Pasko dahil sa biyaya nitong pagpapagaan at pagpapasaya sa buhay na puno ng pagsubok, sakit at paghihirap. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ninuman, naririyan pa rin ang Pasko upang ipaalala sa lahat na hindi tayo kinalilimutan at pinababayaan ng Diyos.

Ngayon ang pinakahuling araw ng 2018. Sa hatinggabi, buong galak at pag-asang tatanggapin ng lahat ang pagpasok ng 2019. Napakaraming nangyari sa matatapos nang taon. Maraming masaya at malungkot na karanasan. Bagama’t, mababalot ang lahat ng ingay, hindi ito sapat para burahin ang mga alaala ng 2018.

Hindi makatutulong kung balik-balikan natin ang mga masasakit na karanasan. Hindi man natin kamag-anak ang libu-libong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa walang pusong pagpatay sa mga maliliit at mahihirap na napagbintangan o nagagamit bilang kumbinyenteng biktima ng “war on drugs”, sinisikap nating gunitain at ipaglaban ang katarungan.

Tuwing ginagawa natin ang pagdiriwang ng banal na misa, ating binubuhay ang mga alaala ng pagpapakasakit at pag-alay ng buhay ng Panginoon bilang tanda ng pagmamahal nito sa lahat. Tulad ng alaala ng ating Panginoon na hindi lamang pahapyaw at mababaw kundi seryoso at tumatagos sa buhay. Ano ang inaalala ni HesuKristo? Kanyang inalala sa tuwina ang Kanyang kaugnayan sa Kanyang Ama at ang Kanyang tungkuling sundin ang kalooban nito. Hindi madali ito para sa Kanya dahil mabigat ang hinihingi ng Kanyang Ama. Nais ng Ama na ialay niya ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa kasalanan at kabulagan ng nakararami. Salita at dugo ang hinihingi ng Ama. Kaya gan’un na lang ang Kanyang naramdamang hirap at bigat sa hardin. Marahil, nais Niyang tumanggi, umalis at kalimutan ang lahat. Sa isang iglap nasabi niyang, “o Ama, kung maaari tanggalin Mo ang kalis sa Aking harapan ngunit, matupad nawa ang kalooban Ninyo at hindi sa Akin.”

Tinanggap ni HesuKristo ang lahat ng mabibigat na hamon ng Kanyang buhay. Napakahirap maging tapat sa ating mga tungkulin at pananagutan. Tiyak na sa mga araw, linggo at buwan ng nagdaang taon (2018), hindi tayo palaging naging tapat at matapang sa pagharap sa mabibigat na hamon ng ating buhay. Palaging naririyan ang tuksong tumahimik, magtago, maging mababaw at tanggapin na lamang ng walang pagsusuri at pagtatanong ang lahat.

Sa gitna ng diwa, galak, pasasala­mat, pag-asa at wagas na buhay ng Pasko, handog sa atin ng Bagong Taon ang diwa ng katapatan at katapangan sa pagharap sa anumang hamon ng buhay na hindi tumatalikod at umiiwas sa pagtugon sa banal na kalooban ng Diyos.

Sana po, Panginoon, ngayong 2019, higit po kaming maging tapat at matapang sa gitna ng maraming mabi­bigat na hamon at pasakit ng buhay. Hindi po namin Kayo tatalikuran at iiwanan upang piliin ang isang madali at ligtas ngunit, mababaw at madamot na buhay. Sana, tulad ni HesuKristo kami rin ay laging umalala, tumupad at sumunod sa Inyong Banal na Kalooban. Alam namin na kalooban ninyong higit na lumaganap ang katotohanan, katarungan at kapayapaan sa mundo at sanlibutan. Amen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page