11,243 ektaryang lupain sa ilalim ng Agrarian Reform Program, naipamahagi na ng pamahalaan

MALAKING bagay na para sa ating mga Pilipino ang magkaroon ng sariling lupang pagtatayuan ng bahay o kaya ay gagamitan para sa paghahanapbuhay kaya marami sa atin ang nagsisikap upang magkaroon lang nito, balang-araw.
Gayunman, sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kidapawan City, nangako siya na pabibilisin niya umano ang land reform program ng gobyerno o ang pamamahagi ng mga lupain para sa mga residente sa Cotabato, partikular na sa mga Lumad at magsasaka.
Kung saan, ayon sa pangulo, kahit umano wala ang mga komunista ay hindi na patatagalin pa ang pagbibigay ng mga lupa dahil pumayag na umano ang gobyerno at mayroon namang prosesong sinusunod dito.
Dagdag pa rito, iginiit ng pangulo na kung hindi pa ibibigay ang mga lupain para sa mamamayan walang mananalo sa giyera na ipinipilit ng mga komunista kaya tama lang na ipamahagi na ang mga ito nang sa gayun ngayong Bagong Taon ay magkaroon naman ng pag-asa ang mga residente na makaahon at magkaroon ng pagbabago sa kanilang pamumuhay.
Sa totoo lang, sa programang ito ng pamahalaan, maraming pamilya ang talagang makikinabang at matutulungan.
Sa katunayan, nito lamang ay naibahagi na ang 6,000 land titles o katumbas ng 11, 243 ektaryang lupain at ito ang pinakamalaking lupain na ibinigay sa ilalim ng agrarian reform program ng bansa.
Kaya hiling natin na sana ay madagdagan pa ang mga ganitong programa na mayroong magandang epekto hindi lang para sa mamamayan kundi pati na rin sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments