Shocking: Hirit ni P-Duterte, ayaw magpainspeksiyon sa mga checkpoint, patayin na?!

KINAILANGAN na naman magpaliwanag ni DILG Sec. Eduardo Año tungkol sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga ayaw magpainspeksiyon sa mga checkpoint ay patayin na. Ayon sa kanya, masusunod pa rin daw ang batas at “rules of engagement” sa pagpapatupad ng mga checkpoint sa kabila ng tila dumaraming insidente ng patayan. Kikilos lang daw ang mga pulis at sundalo kapag una silang pinaputukan o kaya pinakitaan ng armas. Nangamba ang ilan na dahil sa pahayag ni P-Duterte baka may maganap na paglabag sa karapatang-pantao.
Wala nga namang laban ang sibilyan na hindi armado sa mga pulis at sundalo sa checkpoint. Baka kapag hindi lang nabuksan agad ang ilaw sa loob ng sasakyan ay kikilos na ang mga pulis. Alam nating bawal palabasin ng sasakyan at kapkapan, bawal ipasok ang anumang bahagi ng katawan ng mga pulis sa sasakyan, bawal pabuksan ang anuman sa sasakyan. Puwede lang kausapin at ilawan ang loob. Kailangan din ng mga tamang karatula ang checkpoint at nasa maliwanag na lugar. Makabubuti kung ang lahat ng ito ay masusunod nang maayos.
◘◘◘
Wala na talagang kasong kumapit kay dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria-Macapagal Arroyo. Dinismis ng Pasay Regional Trial Court ang kasong electoral sabotage laban kay HSGMA dahil hindi raw napatunayan ng prosekyusyon na walang kaduda-dudang may kasalanan ito sa nasabing kaso. Isinama ang mga kasong ito sa mga ibinasurang kaso ng pandarambong hinggil sa ZTE-NBN.
Wala tayong magagawa kung ito ang desisyon ng korte ngayon. Kaya todo-ngiti na ang dating pangulo na hindi na kailangang maospital, hindi na kailangan ng wheelchair at neck brace. Mukhang gumaling na siya kasabay sa pagbasura ng mga kaso niya. Mga kalaban at kritiko na lang ng administrasyon ang mukhang mananatili ang mga kaso. Lahat yata ng kaalyado ng administrasyon ay malaya na.





Comments