Keber na muna ang "art", pelikulang mas nakakatawa, mas mabenta?
- BULGAR

- Dec 30, 2018
- 2 min read
NAKAPANOOD na ba kayo ng mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival? Aba, kung hindi pa ay simulan nang isa-isahin ang panonood sa mga pelikulang ito bilang suporta sa isa sa pinakamamahal nating industriya.
Kung ang mga tsikiting ang sentro ng Pasko at MMFF, masasabi nating karamihan sa kalahok ay puro pambata. Tsika nga ng ating mga friendship, talagang tatambling tayo sa saya at pakuwela ng mga pelikulang tulad ng Jack Em Popoy at Fantastica.
Ang isa sa pinakaaabangan natin ay ‘yung winner na movie na humakot ng awards sa nakaraang awards night, ang Rainbow’s Sunset. Maganda raw ang pagkakagawa at maging ang kuwento nito. Sayang lang talaga dahil kahit kaliwa’t kanan ang awards na nakuha nito, mukhang hirap na hirap itong ibenta sa masa.
Sana lang, bigyan pa ng pagkakataon ng mga cinema owner na maipalabas ang movie na ito sa kanilang sinehan dahil tiyak na papasukin din ito sa sandaling kumalat ang mga balita na maganda ang nasabing pelikula.
Minsan, mahirap talagang maunawaan kung anong pelikula ang gusto ng ating mga kababayan. Sabagay, hindi rin natin sila masisisi dahil ang katwiran nila kaya raw sila nanonood ng mga pelikulang nakakatawa at walang lalim dahil nais nilang maaliw. Sa rami nang iniisip nila sa buhay, ayaw na nilang mag-isip pa sa pelikulang panonoorin na maaaring magpalungkot din sa kanila.
Keber na muna ang ‘art’ sa kanila dahil ang objective nila ay maging masaya kaya gusto nila ng pelikulang magpapahalakhak sa kanila. Pero, hindi naman natin sinasabi na gan’un lahat dahil may ilang tinatangkilik ang pelikulang pinag-isipang mabuti, idinirehe nang maayos, ginamitan ng magandang cinematogropiya at inartehan nang bonggang-bongga. Sana lang ay mabigyan din sila ng parehong atensiyon pagdating sa komersiyo para happy ang lahat!





Comments