GEMPERO, HARI SA ICA BLITZ CHESS CHAMPIONSHIP SA UAE
- Eddie M. Paez, Jr
- Dec 30, 2018
- 1 min read

SUMULONG ang Pinoy na si Reynaldo Gempero sa halos walang mantsang kartada upang angkinin ang trono ng katatapos na 5th ICA Blitz International Chess Championships sa Ajman, United Arab Emirates.
Kumamada ang woodpusher mula sa Pilipinas ng 8.5 puntos na nakaangkla na rin ng mga panalo kontra sa mga kinatawan ng New Zealand, Syria at India para makasiguro sa korona sa bakbakang ito ng paspasang ahedres.
Kalahating puntos sa likod ng kampeong Pinoy ay si Ramez Sameir ng Egypt na kumayod para maangkin ang pangalawang puwesto matapos makapangolekta ng pitong panalo at dalawang tabla.
Malayong pangatlo ang Indian bet na si Anand Shreyas sa rekord niyang 6 na puntos at mas mataas na tiebreak output kontra sa dalawang iba pang pawnpushers.
Ang Pinay na si Emerlinda San Andres ay pumanglima sa pangkalahatan at siya ring hinirang na best lady performer sa tulong ng kanyang nairehistrong limang panalo at dalawang tabla.
Samantala, nagbunyi ang punong-abalang Russia nang tanghaling hari ng 2018 King Salman World Rapid Chess Championships ang local pride na si GM Daniil Dobov matapos maungusan ng Ruso ang mga elite rapid chessers na sina GM Magnus Carlsen ng Norway, US bet at GM Hikaru Nakamura, GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan at Armenian GM Levon Aronian sa St. Petersburg. Si Dobov, 25th ranked lang sa paligsahan, ay nakaipon ng 11.0 puntos mula sa 15 rounds ng bakbakan samantalang sina Carlsen, Nakamura at Mamedyarov ay naiwan ng bahagya sa iskor na 10.5 puntos.
Kinapos ang kampanya ni Carlsen, ang kasalukuyang world champion sa standard chess, dahil sa tatlong pagkatalo na natikman niya sa torneong nilahukan ng 150 rapid chessers mula sa iba’t-ibang parte ng mundo.





Comments