Data ng 1,000 defectors, nanakaw ng hacker
IBINULGAR ng South Korea ang naganap na information leak ng halos 1,000 North Koreans na tumakas patungo sa kanilang bansa.
Ayon sa South Korean Unification Ministry, pinasok umano ng hindi pa nakikilalang hackers ang data base ng resettlement agency at napag-alaman nila na ninakaw ang pangalan, birth date at address ng 997 defectors.
Gumamit umano ng kompyuter na apektado ng malicious software sa Hana Centre sa Lungsod ng Gumi.
Isa sa 25 institutes ang Hana Centre na pinatatakbo ng ministry para tulungan ang 32,000 defectors na mabigyan ng trabaho at suporta.
Tumanggi ang tanggapan na idiin ang North Korea tungkol sa pagnanakaw ng impormasyon.
Hinihintay pa ng naturang tanggapan ang resulta ng imbestigasyon para matukoy kung sino ang dapat managot sa insidente.





Comments