Kaugnayan ng Niños Inocentes sa kasalukuyang panahon

KAHAPON, ipinagdiwang natin ang Niños Inocentes o ang mga inosenteng sanggol na ipinapatay ni Herodes sa kanyang desperadong paghahanap sa sanggol na si Hesus. Isang kinatatakutang bully si Herodes. Sanay itong gumamit ng dahas, lakas at kapangyarihan kaninuman. Hindi kailangan nang imbestigasyon o “due process” sa batas nito.
Katatapos lang manalo bilang kampeon ang unibersidad na kilalang koponan ng basketball ngunit, wala pang dalawang linggo pagkatapos nito nang biglang lumabas at nag-viral ang video ng estudyante ng naturang unibersidad na may binubuling kapwa mag-aaral. Malinaw ang hamon ng bully, “bugbog o dignidad?” kapag dignidad, kailangang halikan ang kanyang sapatos at ang maselang parte ng bully. Habang binubugbog ng bully ang mag-aaral, mayroong nagbi-video ng kaganapan. Na-upload ang pangyayari kaya mainit ang reaksiyong tinamo nito sa social media.
Ang bully ay taong gumagamit ng lakas o kapangyarihan upang saktan o takutin ang mas mahina kaysa sa kanya. Mayroong bully sa lahat ng sulok at antas ng lipunan. Matatagpuan din ito sa lahat ng sektor at institusyon. Sinuman ang mayroong higit na kapangyarihan, lakas o salapi ay maaaring manamantala sa mga mahihinang nasa paligid nito.
Noong ika-22 ng Disyembre, binaril ng dalawang lalaking naka-bonnet at nakasakay sa motorsiklo si Ako Partylist Representative Rodel Batocabe. Tumatakbo umanong mayor ng Daraga ang biktima. Mabilis na lumabas ang istorya na NPA raw ang may gawa ng krimen. Mabilis ding sumagot ang asawa ni Batocabe na hindi niya sukat-akalain na NPA raw ang papatay sa kanyang asawa, samantalang, naniniwala silang dalawa ng kanyang mister sa prinsipyo ng NPA.
Paano natin tutulungan ang mga bise-alkalde, alkalde, pari at congressman na pinatay, gayundin, ang libu-libong pinatay dahil sa kampanya laban sa droga?
Alam natin kung paano natapos ang kuwento ni Herodes at ang mga Niños Inocentes. Alam natin kung paano natapos ang kuwento ng ating Panginoong HesuKristo.
Hindi lang ang mga inosenteng bata ang namatay noon dahil namatay din si Herodes.
Bagama’t, namatay si HesuKristo, muling itong nabuhay. Hindi bully ang Diyos at hindi Siya natutulog. Binabantayan Niya ang lahat ng bully at ang kanilang mga binibiktima.





Comments