Awww, Luis! MMFF MOVIE NI JESSY, NILANGAW NA, WALA PANG AWARD KAHIT ISA
- BULGAR

- Dec 29, 2018
- 2 min read
Anj Cabilla / PAK ANG GANAP!

HINDI man naging mabenta sa mga manonood ang pelikulang Rainbow’s Sunset, hakot awards naman ito sa katatapos lang na Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2018 na ginanap sa The Theater ng Solaire nu’ng Huwebes (December 28).
Nasungkit nila ang award na Best Picture, Best Actress naman si Gloria Romero, Best Supporting Actress si Aiko Melendez, at Best Supporting Actor si Tony Mabesa.
Nakuha rin nina Eddie Garcia at Max Collins ang Special Jury award.
Nasungkit din ng Rainbow’s Sunset ang award na Best Original Theme Song na Sa ‘Yo Na, na inawit ni Ice Seguerra, maging ang Best Production Design, Best Screenplay at Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, pati na ang Best Director na iginawad kay Direk Joel Lamangan.
Sa kabila ng mga nakuhang awards, request ni Direk Joel at producer na si Harlene Bautista na madagdagan sana ang mga movie houses na nagpapalabas ng kanilang pelikula.
‘Ika nga ni Direk Joel, “Sana naman, huwag lang komersiyo ang kanilang isipin. Irespeto rin sana ng mga sinehan ang sining at industriya.”
Dagdag pa niya, “Huwag naman ang bulsa lang ng mga theater owners ang patabain. Patabain din ang kaluluwa ng ating bayan.”
Kaugnay nga ito ng bali-balitang nabawasan na ang mga sinehang nagpapalabas ng Rainbow’s Sunset na ibinibigay daw sa ibang MMFF entries na malakas sa takilya.
Hakot awards din ang pelikulang Aurora ni Anne Curtis dahil naiuwi nila ang awards na Best Child Performer para kay Phoebe Villamor — na todo ang iyak nu’ng tinanggap ang award at nakakatuwang nabanggit para pasalamatan ang pangalan ni Vic Sotto instead of Boss Vic Del Rosario of Viva — Best Visual Effects, Best Sound Design, Best Cinematography at 2nd Best Picture.
Nangunguna man sa takilya, kapansin-pansin na walang nakuha ni isang award ang entry na Fantastica ni Vice Ganda.
Nakakalungkot din ang nangyari sa Girl in the Orange Dress ni Jessy Mendiola dahil hindi na nga ito bumenta sa takilya, eh, wala pang naiuwing award.
Masaya ring ibinalita na sa darating na 2019, magiging international na ang MMFF kung saan ay puwede nang mapanood sa iba’t ibang bansa ang mga pelikulang kalahok sa tulong ng Solar Entertainment.





Comments