ORCULLO AT BIADO, PETMALU AT WALANG KUPAS SA FARGO RATING

ITINUTURING na pinakamalupit sa mga bilyaristang Pinoy sina Dennis “Robocop” Orcullo at Carlo “Black Tiger” Biado at ito ay maaaninag sa pinakahuling Fargo Rating para sa mga top cue artists sa buong mundo.

Nakaupo si Orcullo sa pang-anim na puwesto taglay ang 813 puntos habang ang naipon ni Biado na 809 puntos ay sapat na para sa pang-8 baytang.

Si Orcullo ay kilalang matikas sa American pool circuit at sa ngayon ay nasa pangalawang posisyon sa AZBilliards Moneyboard. Nakapag-uwi na ang 39-anyos na tubong Sorsogon ng kabuuang $72,200 mula sa mga torneong sinalihan niya ngayong 2018. Kasama rito ang mga napagharian niyang West Coast 10 Ball Pro Challenge (Mountainview, California nung Hulyo), Houston Open (League City, Texas sa Setyembre), Freezer’s Icehouse 1-Pocket Challenge (Tempe, Arizona sa buwan ng Hulyo), Derby City Classic Straightpool Challenge (Elizabeth, Indiana noong Enero) at 5th Annual Junior Norris Memorial Shootout Open 10-Ball (Wichita Falls, Texas sa Hunyo). Sa kabilang dako, si Biado, 35-taong gulang ay nagmamarka sa mga World Pool Billiards Association (WPA) na events.
Kamakailan lang ay sumegunda siya sa 2018 World 9-Ball Championships at pumangatlo siya sa All-Japan 10-Ball Billiards. Sa naturang dalawang paligsahan, si Biado ang naging highest-placed bilyarista mula sa Pilipinas.





Comments