Kung labag sa batas ang horse fight na palaro sa mga pistahan

Dear Chief Acosta,
Ako ay taga-probinsiya at tuwing pista sa aming barangay, isa sa mga palaro ang horse fights o sabong ng mga kabayo hanggang ang isa ay matumba o mamatay. Nais kong malaman kung mayroon bang batas na nagbabawal sa ganitong klase ng palaro? — Carl
Dear Carl,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 10631 o “An Act Amending Certain Sections of RA 8485, Otherwise Known as “The Animal Welfare Act of 1998”. Nakasaad sa Section 2 ng batas na ito na:
“SEC 2. Section 6 of Republic Act No. 8485 is hereby amended to read as follows:
“SEC. 6. It shall be unlawful for any person to torture any animal, to neglect to provide adequate care, sustenance of shelter, or maltreat any animal or to subject any dog or horse to dog fights or horse fights, kill or cause or procure to be tortured or deprived of adequate care, sustenance or shelter, or maltreat or use the same in research or experiments not expressly authorized by the Committee on Animal Welfare.
xxx”
Samakatwid, itinuturing ng batas na ang horse fights ay pagmamaltrato at ipinagbabawal ang nasabing aktibidad. Ang sinumang lumabag ay maparurusahan ng pagkakulong ng isang (1) taon, anim (6) na buwan at isang (1) araw hanggang dalawang (2) taon o multa sa halagang hindi hihigit sa isandaang libong piso (P100,000) kapag namatay ang nasabing hayop. [Section 9 (1].
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments