LAKERS, TINAMBAKAN ANG GSW, IRVING BIDA SA OT NG CELTICS


UMISKOR si Kyle Kuzma ng 19 puntos nang tuldukan ng bumibisitang Los Angeles Lakers ang seven-game losing streak kontra Golden State Warriors sa bisa ng 127-101 win sa NBA game kahapon.
Nakatulong si Ivica Zubac ng 18 points at 11 rebounds habang si LeBron James ay may 17 puntos at 13 rebounds dahil sa injury sa nalalabing 7:51 minuto sa 3rd quarter at namuno ang Lakers sa 71-57.
Nakatipon si Rajon Rondo ng 15 points at 10 assists, umiskiyerda ng 14 points si Brandon Ingram, si Josh Hart ay may 12 points at tumapos si Lance Stephenson ng 11 points para sa Lakers.
Pumukol si Andre Iguodala ng season-high 23 points, 21 points kay Kevin Durant at may 15 puntos si Stephen Curry para sa Golden State Warriors. Natalo ng 11 sunod ang Lakers sa Golden State.
Sa iba pang laban, bumida si Kyrie Irving ng Boston Celtics laban sa Philadelphia 76ers sa bisa ng overtime. Tumabo si Irving ng 40 puntos, kabilang na ang dalawang tres sa huling 2 minuto ng overtime, nang lampasan ng Celtics ang 5-puntos na pagkaiwan sa ekstrang minuto at talunin ang bisitang Philadelphia 76ers sa 121-114.
Si Irving na dumagdag pa ng 10 rebounds ang nagbitbit sa overtime game nang sumalpak ng pahirapang jumper sa huling segundo ng 4th quarter. Ang performance ng guard ang nakatulong para habulin ang 34 puntos kasunod ng 16 rebounds ni Joel Embiid ng Philadelphia.
Bumanat si Jayson Tatum ng 23 puntos at 10 rebounds para sa Boston. Umiskor si Marcus Morris ng 23 habang si Terry Rozier ay may 10 puntos. Bumasket si Jimmy Butler ng 24 points para sa Philadelphia, JJ Redick ay may 17 points, 15 points kay Wilson Chandler habang si Ben Simmons ay may 11 points, 14 rebounds at 8 assists. (ATD / MC)





Comments