Iniwang basura ng mga bumisita sa Luneta Park noong Pasko, tambak!

TAMBAK na basura, ito ang pamasko ng ilan nating kababayan na nagdiwang sa Luneta Park, kamakalawa.
Nakahihiya hindi ba? Araw ng Pasko, pero wala pa rin tayong disiplina. Tsk!
Sa totoo lang, hindi na dapat paulit-ulit na itinuturo ang tamang pagtatapon ng basura sa lahat dahil kahit noon pa man ay alam na nating ang basura ay itinatapon sa tamang lagayan at hindi kung saan-saan.
‘Yun nga lang dahil sa kulang talaga sa disiplina ang karamihan, kahit maliliit na bagay ay dapat pa ring ituro para lamang tumatak sa kanilang isipan.
Nakalulungkot na mayroon sa atin ang nag-aalaga ng kapaligiran kung saan bumubuo ng mga organisasyon at nagsasagawa ng mga proyekto na makagaganda sa ating kalikasan, pero ilan din sa atin ang sumisira nito.
‘Yung naghahangad tayo ng pagbabago, pero wala tayong malasakit sa bayan, paano tayo uunlad n’yan?
Kaya ang panawagan natin sa mga kinauukulan, kung kinakailangang taasan ang multa sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan, gawin!
Marami pa rin kasi ang hindi natututo, mula sa pagpapabaya sa Boracay Island, Manila Bay, Ilog-Pasig at marami pang iba, tila hindi tayo nangangamba, gayung kaunting ulan nga lang, eh, lahat apektado na ng baha kahit ‘yung mga matataas na lugar pa.
Samantala, ang paalala natin sa lahat, huwag nating hayaan na tuluyang masira ang kalikasan nang dahil sa ating kapabayaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments