PHL AZKALS, UMENTRA NA SA 2019 AFC ASIAN CUP

PATULOY ang paggawa ng bagong kasaysayan ng koponan ng Philippine Azkals sa 2018 nang makapasok sila sa 2019 AFC Asian Cup na magsisimula ngayong Enero sa United Arab Emirates.
Ito ang unang pagkakataon na nakasali ang Pilipinas sa prestihiyosong torneo ng mga higante ng Football sa sinasabing katumbas ng FIFA World Cup ng mga taga-Asya.
Sinigurado ng Azkals ang kanilang pwesto sa AFC Cup matapos talunin ang Tajikistan sa Rizal Memorial Stadium, 2-1, noong Marso 27.
Bilang paghahanda, sumali at umabot sa semifinals ang Azkals sa Bangabandhu Cup sa Bangladesh at sa AFF Suzuki Cup.
Samantala, hindi malayo ang mga tagumpay ng mga Malditas na lumahok sa AFC Women’s Cup sa Jordan at muntik na silang makapasok sa FIFA Women’s World Cup 2019 kung hindi lang sila nabigo sa Timog Korea sa kanilang huling laban upang magtapos sa ika-anim na pwesto.
Hindi din pinalad ang Malditas sa AFF Women’s Championship noong Hulyo sa Indonesia pero bumawi sila at nakapasok sa pangalawang round ng Asian Qualifier para sa 2020 Tokyo Olympics noong Nobyembre sa Tajikistan.
Kahit kaliwa’t kanan ang mga suliranin ng Philippines Football League (PFL) natapos nila ang taon at kinoronahan na kampeon ang Ceres Negros sa ikalawang sunod na pagkakataon habang nanalo sa pinaka-unang Copa Paulino Alcantara ang Kaya Iloilo.
Kinatawan ng Ceres at Global Cebu ang Pilipinas sa 2018 AFC Cup at parehong maganda ang kanilang ipinakita upang patunayan na puwedeng sumabay ang mga koponang Pinoy sa mga kapitbahay nila sa Asya.
Bago matapos ang 2018, ibinalita na itatatag ang Philippine Premier League (PPL) sa 2019 bilang kapalit ng PFL.
Inaasahan na halos lahat ng mga kasali sa PFL at ilang bagong koponan ang magbubuo ng bagong liga.
Sa mga liga ng kolehiyo, itinanghal na mga bagong kampeon ang University of the Philippines sa UAAP at College of Saint Benilde sa NCAA habang nanatili ang University of San Carlos bilang hari sa CeSAFI.
Ang De La Salle University ang kampeon sa kababaihan sa UAAP.





Comments