top of page
BULGARY - VINCENT CO, TODO-IWAS SA MEDIA-FB Caesar Vallejos.jpeg

Panawagan sa mga eskuwelahan: Mga insidente ng bullying, bantayan!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 26, 2018
  • 1 min read

MATATANDAANG, pinagpiyestahan ng netizens ang ilang video hinggil sa pambu-bully ng isang estudyante kung saan huli sa akto kung paano nito sinaktan ang kanyang mga kaeskuwela.

Gayunman, dahil dito, ipinaalala ng ilang mga eksperto na malaki ang pananagutan at responsibilidad ng mga paaralan upang aksiyunan ang mga insidente ng bullying sa loob ng paaralan.

Lalo na kung higit sa isang beses na itong nangyayari at sa loob pa mismo ng campus ginagawa.

Dapat lang na nalalaman agad ito ng mga guro at namumuno sa institusyon at kahit kailan walang dapat kinikilingan ang mga namumuno, lalo na kung maling-mali ang ginawa ng isang indibidwal.

Gayundin, nakasaad na mismo sa Republic Act 10627 o “Anti-Bullying Act of 2013” na mandato ng bawat paaralan na maaksiyunan ang mga insidente ng bullying sa kanilang mga campus.

Kaya kung mapatutunayang may pagkukulang ang paaralan sa pag-iimbestiga ng insidente, maaaring tanggalin ng Department of Education ang lisensiya nito.

Kaya para hindi maperhuwisyo ang lahat, gampanan natin ang kani-kanyang tungkulin — disiplina at magandang-asal, ituro! Lalo na sa mga estudyanteng hindi nakikinig at matitigas ang ulo.

Samantala, panawagan natin sa lahat ng mga magulang, gabayan natin ang ating mga anak at huwag natin silang kunsintihin sa paggawa ng masama.

Tandaan natin na kung ano sila, ‘yun ay dahil sa paraan ng pagdidisplina, pag-aalaga at pagpapalaki natin sa kanila.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page