Christmas message ni P-Du30 sa mga Pinoy: MAGING MAHABAGIN, MABAIT AT MAPAGPATAWAD
- Mylene Alfonso
- Dec 26, 2018
- 2 min read

HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino sa pagdiriwang ng Pasko na yakapin ang ideya ng pagiging mahabagin, kabaitan at pagpapatawaran.
Sa isang pahayag, sinabi ni P-Duterte na ang Pasko ay hindi lamang pag-alala sa taimtim na kapanganakan ni Jesus kundi ang magbigay ng oras at selebrasyon kasama ang mga pamilya, kaibigan at kakilala sa pamamagitan ng exchange gifts, salu-salo at iba pang aktibidad.
Sa gitna rin ng masayang okasyong ito, kailangan din umanong alalahanin ang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa pamamagitan ng mga aral na natutunan.
Aniya, sa pamamagitan ng mga hangad na ibinabahagi natin sa kapwa at salubungin ng bawat isa ang papasok na taon ng malaki ang pag-asa at pananaw sa buhay.
“Let these ideals and aspirations guide us as we embrace our fellowmen in the spirit of our shared humanity and welcome the coming year with much hope and optimism,” ayon pa sa pangulo.
“I wish everyone a happy and meaningful Christmas,” pahayag pa nito.
Samantala, nagsama-sama ang pangulo at kanyang pamilya sa noche buena sa Davao City.
Batay sa larawan na ipinost ni dating Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte, nakaupo ang pangulo sa dining table habang katabi ang kanyang mga apo.
Nasa larawan din ang dating misis ng pangulo na si Elizabeth Zimmerman at ang kanyang mga anak na sina Paolo, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Baste Duterte at ang kanilang mga asawa.
Matatandaang, inilaan din ni P-Duterte ang ang Holiday Season sa mga may kanser na bata sa Southern Philippines Medical Center sa Davao.
Samantala, dumagsa ang libu-libo katao sa bahay ni Pangulong Duterte para sa gift giving sa Central Park Subdivision, Davao City.
Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), umabot umano sa halos isang kilometro ang pila ng mga gustong makatanggap ng aginaldo mula kay Pangulong Duterte.
Ito ay kahit na may naiulat na matandang babae na naipit nang matumba ang pangharang dahil sa pagtutulakan ng mga tao ay naging tahimik at maayos naman ito.
Naglagay sila ng registration area sa Mount Matutum Street sa loob ng nasabing subidivision.
Nagpatupad din ng sistema at nilalagyan nila ng indelible ink ang hintuturo ng mga nakatanggap na ng pamasko upang maiwasang bumalik pa sa pila.
Ang pamimigay ng regalo ay nakagawian na ng Pamilya Duterte para sa mga taga-Davao tuwing Pasko.





Comments