top of page
Pokwang.jpg

Unang Pasko, napakagandang balikan at pagnilayan

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 24, 2018
2 min read

ANO kaya ang kalagayan ng mundo noong unang Pasko, ang pangarap at panalangin ng mga tao noon? Hindi man maibabalik ang mga katangian ng unang Pasko, makatutulong na balikan natin ang mga ito.

Una, pinili ng Diyos ang mga karaniwan, maliliit at mahihirap na Hudyo sa katauhan nina Jose at Maria upang buuin ang banal na pamilyang mag-aalaga sa kanyang dakilang anak.

Pangalawa, tunay na maginoo si Jose nang sabihan siya ng anghel na buntis si Maria, inisip agad nitong tahimik na hiwalayan ang kanyang magiging asawa. Gayunman, nagbago ang kanyang desisyon nang ipaliwanag ng anghel na hindi ibang lalaki ang ama ng isisilang na anak kundi ito ay dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Pangatlo, bukod-tanging babae si Maria — bukod na pinagpala sa babaeng lahat. Tunay siyang alipin ng Panginoon, tapat at lubos na masunurin sa Kanya.

Pang-apat, madasalin at masunurin sa kalooban ng Panginoon ang mag-asawa. Ginamit ng Diyos ang kanyang mga anghel upang maiparating ang Kanyang kalooban sa mag-asawa kaya nakinig at sumunod ang mga ito.

Panlima, kitang-kita sa kanilang matiyagang paghahanap ng masisi­lungan noong malapit nang ma­nganak si Maria. Ang kanilang pagiging matiisin at handang magsakripisyo.

Pang-anim, payak ang kapa­ligiran nang isilang si Hesus.

Pampito, dahil sa kanilang kahi­rapan, walang ibang inaasahan ang mag-asawa kundi ang dakila, maawain at mapagkalingang Diyos.

Pangwalo, kaisa ng pamilyang Hesus, Maria at Jose ang lahat. Walang bakod na humihiwalay sa kanila sa iba.

Pangsiyam, hindi naging balakid ang kanilang kalagayan upang magbigay-puri sina Jose at Maria sampu ng musmos na si Hesus sa dakilang Diyos Ama.

Pangsampu, hindi nakuhang baguhin at sirain ng anuman sa lipunan at kapaligiran ang katapatan at pananagutan ng banal na pamilya sa misyong ipinagkaloob sa kanila ng Diyos.

Sa lipunang silaw na silaw sa kapangyarihan at salapi, napakaganda at napakahalagang balikan natin ang unang Pasko at pagnilayan natin ang buhay ng banal na pamilyang Hesus, Maria at Jose. Napakalayo na natin sa Diyos dahil napakalayo na natin sa mga dukha at mahihirap na magpapaalala sa atin ng kadakilaan, awa, kalinga at kaligtasang dulot ng Panginoon.

Nang sabihan ng anghel sina Elizabeth at Maria na sila ay maglilihi, nagtaka ang baog at ang dalaga kung paano mangyayari ang pawang imposible. Isa lang ang tugon ng anghel, “walang imposible sa Diyos.”

Posible pang bumuti, umayos, maging mapayapa, malinis at may paggalang, pagkilala at pagtatanggol sa dangal at karapatan ng bawat isa. Huwag mag-alala, magduda at mawalan ng pag-asa. Kung tiningnan ng Diyos ang maliit at pamilyang aba nina Hesus, Maria at Jose, gayundin, ang kanyang gagawin sa nakararaming mahihirap, mahihina at walang ibang inaasahan.

Nawa’y muli tayong maging tulad nina Hesus, Maria at Jose. Nawa’y tayo ay maging payak, totoo, mapagkumbaba a lubos na mapagkalinga sa lahat. Maligayang Pasko sa ating lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page