Pa-New Year ni P-Digong sa mga Pinoy: Goodbye, murang bigas!
- BULGAR

- Dec 23, 2018
- 2 min read
DAHIL MAWAWALA NA NFA RICE, ‘YAN ANG PAMBUWISIT NA PANG-NEW YEAR NI P-DUTERTE SA MARALITA—Mismong si Sec. Manny Piñol ng Department of Agriculture (DA) ang nagsabi na next year ay posibleng wala nang mabibiling NFA rice.
Ibig sabihin, mawawala na sa merkado ang presyo ng NFA rice na P27 hanggang P32 at ang mabibili na lang na bigas ay ang matataas ang presyo.
Kapag nagkatotoo ‘yan, eh, ‘yan ‘yung pambuwisit na pa-New Year ni P-Duterte sa maralitang Pinoy, boom!
◘◘◘
BANGKONG PANG-SUNDALO AT PULIS, DAGDAG-TAX AT DAGDAG-DUSA NA NAMAN SA MAMAMAYAN—Ngayong panahon ng kapaskuhan, ang nais marinig ng taumbayan sa pangulo ay kung paano pabababain ang mataas na presyo ng mga bilihin next year, pero walang sinabing ganyan si P-Duterte at sa halip ang isinapubliko nito ay magtatayo raw siya ng mga bangko na eksklusibo lang sa mga sundalo at pulis.
Nakupo, siguradong dagdag-tax at dagdag-dusa ‘yan sa mamamayan kasi alangan magtayo ng bangkong pang-sundalo at pulis si P-Duterte nang walang lamang perang pambiyaya sa mga militar at parak, buwisit!
◘◘◘
POKUS NG SERBISYO NI P-DUTERTE, NASA SUNDALO AT PULIS AT HINDI SA NAGDURUSANG MAMAMAYAN—Busog na busog talaga ang mga sundalo at pulis sa Duterte gov’t. mantakin n’yo, binigyan ni P-Duterte ng dobladong-suweldo, house and lot, trust fund, personal service firearms, tapos magtatayo pa siya ng bangko na eksklusibo lang para sa mga sundalo at pulis.
Ito ang pangulo na ang pokus ng serbisyo ay ang pagbibigay ng biyaya at ginhawa sa mga sundalo’t pulis at walang pakialam sa mamamayang nagdurusa sa taas-presyo ng mga bilihin, pwe!
◘◘◘
DAKDAK NI CHONG, BINUTATA NG PNP-CRIME LAB—Inilabas na ni Supt. Paul Carpio ng Rizal PNP-Crime Laboratory ang resulta ng kanilang autopsy report at ayon sa kanya, walang palatandaang tinortyur ng mga parak ang aide ni ex-Congressman Glenn Chong na si Richard Santillan na miyembro ng sindikatong “Highway Boys” na sangkot sa drug trafficking, gunrunning, robbery at pagpatay kay Sr. Insp. Jimmy Senosin ng Cainta police, taliwas sa idinadakdak ng ex-congressman na tinortyur daw bago pinatay ang tauhan niyang si Santillan.
‘Yan ang findings ng PNP-Crime Laboratory na bumutata sa mukha ni Glenn Chong, boom!





Comments