Karapatan ng indibidwal na nabihag mula sa digmaan

ANG “prisoners of war”, ayon sa “Geneva Convention relative to the Treatment of Prisoners of War” ay ang mga taong sakop ng mga sumusunod na kategorya na bumagsak sa kapangyarihan ng kalabang bansa tulad ng:
1. Miyembro ng mga hukbong sandatahan (armed forces) ng isang partido sa digmaan maging ng mga miyembro ng “militias” o mga boluntaryong kabahagi ng mga armadong puwersa ng isang bansa;
2. Miyembro ng ibang “militias” o “volunteer corps” kasama ang organisadong “resistance movements” kabahagi ng isang partido sa isang labanan at pagpapakilos ng hukbo sa loob o labas man ng kanilang teritoryo kahit na ang kanilang teritoryo ay okupado sa kondisyong ang nasabing “militias” o “volunteer corps” maging ng mga organisadong “resistance movement”, tinutupad ang mga sumusunod na kondisyon:
a. Silang mga pinamumunuhan ng taong responsable sa kanyang nasasakupan;
b. Silang mga mayroong permanenteng pansariling pagkakakilanlan na makikilala kahit sa malayuan;
c. Silang mga lantarang nagdadala ng armas;
d. Silang mga gumagawa ng kanilang operasyon alinsunod sa batas at kaugalian ng digmaan;
3. Miyembro ng regular na hukbong sandatahan na nagpapahayag ng kanyang pagkamatapat sa gobyerno o awtoridad na hindi kinikilala ng “Detaining Power”;
4. Silang mga sumasama sa mga hukbong sandatahan na hindi aktuwal na miyembro nito tulad ng mga sibilyan na miyembro ng military aircraft crews, war correspondents (media), supply contractors, miyembro ng labor units na responsable para sa kalagayan ng mga hukbong sandatahan sa kondisyong nakatanggap sila ng awtorisasyon mula sa hukbo na kanilang sinamahan na magbibigay sa kanila ng kaukulang pagkakakilanlan;
5. Miyembro ng tripulante kasama ang master, piloto at apprentice ng merchant marine at tripulante sa sasakyang panghimpapawid na pangsibilyan (civil aircraft) ng mga partido na kasama sa labanan na hindi tumatanggap ng benepisyo sa ilalim ng International Law;
6. Ang mga naninirahan ng mga hindi nasasakop na teritoryo na sa paglapit ng kalaban ay biglaang naghimagsik at lumaban kahit hindi sila nagkaroon ng oras para bumuo ng kanilang regular na hukbo upang pigilan ang mga hukbong nananakop sa kondisyong lalaban sila nang harapan at rerespetuhin ang batas at alituntunin ng digmaan.
Ang “prisoners of war” ay nasa mga kamay ng mga kalabang makapangyarihan at hindi ng mga indibidwal o sundalo na nakahuli sa kanila. Kahit ano pa man ang indibidwal na tungkulin ng mga nakahuli ng nasabing prisoners of war, ang Detaining Power o ang nakahuli sa kanila ang magiging responsable para sa magandang pagtrato sa kanila.
Ang prisoner of war ay maaari lamang ilipat ng Detaining Power sa may kapangyarihang partido sa Convention matapos masiguro ng nasabing Detaining Power ang pagsang-ayon at abilidad ng taong paglilipatan nito para ipatupad ang Convention. Kapag ang prisoner of war ay nalipat sa ganu'ng sirkumstansiya, ang responsibilidad para sa pagpapatupad ng Convention ay nasa may kapangyarihang tumanggap sa nasabing prisoner of war habang siya ay nasa kustodiya nito. Magkaganu’n man at hindi naipatutupad ng nasabing power ang probisyon ng Convention sa alinman sa mga importanteng aspeto nito, ang power kung kanino ang prisoner of war ay nailipat pagkatapos maabisuhan ng Protecting Power ay gagawa ng hakbang para maitama ang sitwasyon o hilingin na maibalik ang prisoner of war. Ang nasabing hiling ay kinakailangang mapagbigyan.
Ang prisoner of war ay nararapat na palaging tratuhin nang makatao. Anumang gawaing labag sa batas ng Detaining Power na naging sanhi ng pagkamatay o naging sanhi ng mapanganib sa kalusugan ng prisoner of war na nasa kustodiya nito ay ipinagbabawal at itinuturing na paglabag ng Convention. Walang prisoner of war ang maaaring pagdanasin ng pisikal na pagputol, medikal o siyentipikong pag-aaral na hindi binibigyan ng katwiran ng medikal, dental o ospital na panggagamot sa nasabing prisoner of war.
Ang prisoners of war sa lahat ng oras ay dapat maprotektahan laban sa pananakot o anumang bayolenteng pagtrato at pang-iinsulto. Sa lahat ng pagkakataon ang prisoner of war ay dapat mabigyan ng respeto at karangalan. Ang mga babaeng bihag ay marapat na matrato na may pagsaalang-alang sa kanilang kasarian at sa lahat ng oras ay makinabang tulad sa magandang pagtrato sa kalalakihan.
Lahat ng prisoners of war ay kinakailangang mabigyan ng magandang pagtrato ng Detaining Power ayon sa probisyon ng Convention nang walang salungat na pagtatanggi base sa lahi, nasyunalidad, paniniwalang pangrelihiyon at politikal na paniniwala.





Comments