Gustong kumpletuhin ang kontribusyon sa SSS ngayong taon

Dear Atty. Art,
Magandang araw! Ako ay boluntaryong naghuhulog sa SSS ngunit, ngayong taong ito ay mayroon ilang buwan na hindi ko nabayaran sa SSS. Paano kaya ito? — Inah Abbygail ng Quezon City
Sagot
Mabuting balita! May pagkakataon pa kayong kumpletuhin ang mga kontribusyon ngayong taon dahil maaari pang bayaran ang nalaktawang buwan para sa 2018. Pinalawig ng SSS ang deadline ng payment para sa mga hindi nabayarang contribution ng kanilang mga miyembro para sa taong ito.
Batay sa pinalawig na deadline ng pagbabayad, ang mga nalaktawang kontribusyon ng mga self-employed, voluntary at OFW member gayundin, ang mga household employer para sa Enero hanggang Disyembre 2018 ay iniurong sa Enero 2019.
Para sa pagbabayad ng kontribusyon mula Enero hanggang Disyembre 2018, maaari itong bayaran hanggang Enero 2, 2019. Samantala, para sa kontribusyon mula Oktubre hanggang Disyembre 2018, maaari itong bayaran hanggang Enero 31, 2019.
Halimbawa, ang kontribusyon para sa Hulyo hanggang Setyembre 2018 ay maaaring bayaran hanggang Enero 2, 2019.
Para sa mga employer, mula sa kasalukuyang deadline na ika-10, ika-15, ika-20, ika-25 at katapusan ng buwan ay maaari na silang magbayad hanggang sa katapusan ng buwan ang kanilang obligasyon sa SSS.
Kung sakali, ang revised schedule ay pumatak ng Sabado, Linggo o Holiday, maaaring magbayad sa susunod na araw na may pasok.
Halimbawa, kung ang deadline ng kumpanya sa pagbabayad ng kontribusyon para sa buwan ng Nobyembre 2018 ay Disyembre 10, 2018, maaari pa rin itong bayaran hanggang Disyembre 31, 2018 nang walang multa. Subalit, dahil ang Disyembre 31, 2018 ay non-working holiday, ang deadline ay magiging Enero 2, 2019.
Anumang multa na binayaran ng mga employer base sa kasalukuyang deadline ng mga angkop na buwan mula Enero hanggang Disyembre 2018 ay isasauli ng SSS.
Sa kabilang dako, para sa agarang pag-post ng inyong kotribusyon, dapat kumuha ng Payment Reference Number (PRN). Maaaring makakuha ng PRN sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan: (1) sa inyong My.SSS account sa SSS website; (2) PRN inquiry facility ng mga collection partner ng SSS; (3) sa alinmang sangay ng SSS sa buong bansa o (4) mag-email sa prnhelpline@sss.gov.ph.
Bahagi ito ng pagsisikap ng SSS na makumpleto ng mga miyembro ang kanilang kontribusyon sa SSS upang lubos nilang mapakinabangan ang mga benepisyo sa SSS at maging sulit na sulit ang inihulog mo sa SSS.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.





Comments