top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

AMIT AT BIADO, MATATAG SA ELITE CIRCLE NG WPA

Eddie M. Paez, Jr
Dec 23, 2018
2 min read

NAPANATILI nina Carlo “The Black Tiger” Biado at Rubilen “Bingkay” Amit ng Pilipinas ang kani-kanyang puwesto sa elite circle ng mga bilyarista sa buong mundo base sa pinakahuling listahan na ipinalabas ng governing body na World Pool Billiards Association o WPA.

Sa pagsasara ng 2018, kasalukuyang nasa pang-apat na puwesto si Biado, 2017 World 9-Ball Championship at 2017 World Games gold medalist sa pangkat ng mga kalalakihan habang nasa pang-anim na baytang ang two-time world 10-ball titlist at Cebuanang si Amit.

Si Biado ay nakaipon ng 14,912 puntos sa tulong ng runner-up finish sa katatapos na World 9-Ball Championship sa Doha, Qatar (8,250 puntos) at mula sa pagiging tersera sa All-Japan Championships (3,050 puntos). Nakapag-ambag din sa produksyon ng tubong La Union na manunumbok ang nakulektang 2,412 puntos mula sa China Open at 1,200 puntos sa US International 9-Ball Open.

Bagamat, dumulas si Biado mula sa dating pag-upo sa pangatlong posisyon, siya naman na ngayon ang numero uno sa Asya. Ang dating WPA no. 2 na Jung Lin Chang ng Taiwan ay nasa panglimang puwesto (14,716 puntos) habang ang dating WPA no. 1 na si Eklent Kasi ng Albania ay nasa pang-12 baytang (9,750 puntos). Sina Greek Alexander Kazakis (17,099 puntos), German Joshua Filler (16,762 puntos) at Dutch Niels Feijen (15,100 puntos) ang umokupa sa unang tatlong puwesto.

Sa kabilang dako, umangkla si Amit sa pagpasok sa podium sa nakalipas na Women’s World 9-Ball Championship sa China para umangat mula sa dating pangwalo tungo sa pang-anim na puwesto. Sa torneong ito sa China, nakakuha siya ng 5,250 puntos. Bukod dito, may naipon din siyang 2,400 puntos mula sa Amway eSpring at 1,860 puntos galing sa China Open para sa kabuuang 9,510 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page