top of page
Pokwang.jpg

Ang biyaya at kapangyarihan ng tunay na kagandahan

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 22, 2018
2 min read

ITO ang pagbasa noong nakaraang Huwebes ng madaling-araw: “Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elizabeth, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David.

Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. ‘Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos, wika niya, ‘sumasaiyo ang Panginoon.” Nagulumi­hanan si Maria sa pangungusap at inisip niyang mabuti ang kahulugan nito. Kaya sinabi sa kanyang ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulug­dan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Jesus…” ( Lc 1:26-38)

Ganito kahalaga si Maria sa kasaysayan ng kaligtasan. Sa lahat ng babae, siya ang kinalugdan ng Diyos at piniling maging ina ng kanyang anak na ating tagapagligtas. Isang babaeng simple at hindi kilala ang pinili ng Diyos na maging katuwang sa misteryo ng pagkakatawang-tao.

Noong nakaraang Sabado, sumakay tayo sa taksi at hinanap natin ang lugar ng isang pulong ng mga lider-layko ng Simbahan. Habang kumakanan kami, biglang nagpreno ang motorsiklong galing sa likod at huminto rin kami. Bumaba ang babaeng nakaangkas at nagsimula na itong pagalitan ang taksi drayber.

Ipinilit ng babae na basta na lang lumiko ang taksi drayber ng walang signal. Nagpaliwanag ang drayber ngunit, hindi ito tinanggap ng babae at patuloy na pinagalitan ang drayber kaya pinaalis na lang natin ang taksi drayber. Naiwanan tayo at hiningan natin ng pasensiya at pang-unawa ang babae. Pasko naman kaya baka maaaring bawasan ang galit at inis. Saksi tayo sa pambu-bully na naganap noong araw na iyon.

Noong Lunes, habang nanonood ang maraming Pinoy sa Miss Universe Pageant, nagulat at natuwa ang marami sa naging katapusan nito. Nanalo si Miss Philippines 2018 Catriona Gray bilang Miss Universe 2018.

Ayon kay Catriona, hindi lang siya ang nanalo kundi ang kanyang mahal na bansa. Hindi man ito kalutasan sa lahat ng problema, isa itong hamon na tumingin ng mas malalim at mas malayo upang makita ang mga lihim na biyaya ng Panginoon. Hindi inaasahan ni Maria ang pagkakahirang niya bilang Ina ng Diyos.

Ito ang kapangyarihan ng tunay na pananalig at pag-asa sa Diyos. Ito ang kagandahang hindi inaasahan ngunit, tinanggap. Salamat, Catriona. Higit sa lahat, salamat po mahal na Inang Maria.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page