Sanhi at lunas ng kabag
- BULGAR

- Dec 21, 2018
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Magandang araw! Nais kong malaman kung ano ang sanhi ng kabag? Ano ang dapat gawin at inumin para maiwasan ito? Nahihirapan ako, lalo na at may anak akong 2 years old na dapat alagaan kasi kapag sinumpong ang sakit ng tiyan ko, halos wala akong nagagawa sa bahay. — Delfa
Sagot
Ang kabag ay ang pakiramdam na parang palaging busog at matigas ang tiyan dahil sa pagdami ng gas sa small intestine. Minsan, ang pasyenteng may kabag ay nakararanas ng mga sintomas tulad ng pananakit at paghilab ng tiyan, pagtatae, kinakapos sa paghinga at pananakit sa mababang bahagi ng likod. Para magamot ang kabag, dapat lumabas sa tiyan ang sobrang hangin na naipon sa small intestine.
Narito ang ilang paraan para maiwasan ang kabag:
Paggamit ng aceite de manzanilla o chamomile oil — ipapahid ang langis na ito sa tiyan hanggang sa bandang bahagi ng likuran.
Pagkain ng kalabasa — ito ay tumutulong upang maiwasan ang kabag at paninigas ng tiyan. Mayaman ang kalabasa sa Vitamin A, potassium at fiber na tumutulong sa malusog na panunaw.
Ugaliin ang pagkain ng balanced diet — piliin lamang ang mga uri ng pagkain na kaunti ang carbohydrate content at madaling matunaw sa tiyan tulad ng patatas, lettuce, saging at kanin.
Nguyaing mabuti ang kinakain — palaging nakasara ang bibig kapag ngumunguya para hindi pasukan ng hangin. Makatutulong din sa mabilis at mabuting pagtunaw ng pagkain ang pagnguya ng nakasara ang bibig.
Uminom ng tubig bago kumain — makatutulong ito para mabawasan ang acid sa tiyan mo. Mabisang remedyo ito bilang gamot sa kabag, lalo na kung sasabayan mo ng pag-inom ng tubig ang pagkain mo.
Iwasang manigarilyo — ang hinitit na usok ay nakapagdudulot ng sobra-sobrang hangin sa tiyan.
Mag-exercise, araw-araw — ang pag-eehersisyo nang regular ay makatutulong para magkaroon ng proper digestion sa katawan.
Iwasan ang labis na pag-inom ng soda — ang pag-inom ng maraming soda ay nagdudulot ng kabag sa tiyan dahil sa taglay nitong carbonated gas.
Iwasan ang pagkain ng processed food — ang katawan ay nangangailangan ng asin para sa maayos na metabolic functions ngunit, ang sobrang asin ay maaaring magdulot ng mga problema sa kalusugan kabilang na ang abdominal fluid retention.
Gayunman, kung sakaling mayroong mas malalang mga sintomas, mas makabubuting kumonsulta agad sa doktor.




Comments