Lalo‘t wala namang basehan | Lacson, dapat nang mag-move on sa galit kay GMA
- BULGAR

- Dec 21, 2018
- 2 min read
ISA sa mga mensahe ng kapaskuhan — dapat kalimutan na ang galit natin sa kapwa.
Eh, si Senador Panfilo Lacson, Jr. tila ipinakikitang hindi pa nawawala ang galit niya kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Noong 2009 kung saan pangulo pa si GMA, nagsampa ang Justice Department ng kaso laban kay Sen. Lacson na nagbintang na siya ang nag-utos sa pagkapatay sa PR na si Bubby Dacer na nadamay pa ang kawawa niyang drayber na si Emmanuel Corbito.
Bakit nasabi nating galit pa rin si Sen. Lacson kay GMA?
Kamakailan, inakusahan niyang ang distrito ni GMA, ang Pampanga raw ay mayroong napakalaking alokasyon sa pagtatayo ng mga imprastruktura — mga kalye, flood control project at tulay para sa 2019.
Bale, ang ipinararatang ni Sen. Lacson ay ang kauupo pa lang bilang House Speaker noong Hulyo kaya paanong pinagsasamantalahan ang kanyang posisyon?
Maling-mali ang paratang nito. Sa totoo lang, kasinungalingan ito.
Ang badyet sa distrito ni GMA na P1.4 bilyon ay pang-isaandaan lang sa listahan ng mga alokasyon ng mga distrito.
Ang pinakamalaking alokasyon, P8.4 bilyon ay sa distrito ng dating House Speaker na pinalitan ni GMA, si Pantaleon Alvarez. Ang distrito ng kakampi ni Alvarez na si Rodolfo Fariñas ay bibigyan ng P4 bilyon, pangsiyam sa listahan.
Kahit ang distrito ni Edcel Lagman, na halos murahin si Pangulong Rodrigo Duterte ay madalas, magkaroon ng badyet na P4 bilyon.
Ang distrito naman ni Joey Salceda, na ang sinuportahan ay si Grace Poe noong nakaraang eleksiyon para sa pagka-pangulo ay nakakuha ng P5.7 bilyones.
Ang distrito ni Karlo Nograles, na kamakailan lang na kinuhang cabinet secretary ni P-Duterte ay nakakukuha ng P4 bilyon.
So, ano ang pinagsasabi ni Sen. Lacson na si GMA raw at ang mga alyado nito ay gumawa ng badget na magbibigay ng napakalaking pondo sa mga distrito nila?
Lumaki ang badyet para sa distrito ni GMA para maging P1.9 bilyon dahil ang Department of Public Works and Highways ay humingi ng pondo para mapigilan ang palaging pagbabaha sa mga bayan ng Lubao at Sasmuan sa Pampanga.
Maling-mali ang galit ni Sen. Lacson kay GMA.
Wala namang galit si GMA sa kanya noon para maibintang sa kanya ang kasong pagpatay kina Dacer at Corbito na siyang dahilan na nagtago pa siya na parang kriminal sa ibang bansa ng mahigit isang taon.
Ang nagtulak na kasuhan si Sen. Lacson ay ang mga dilawan noon na nasa gobyerno ni GMA.
Kasama rito ang dating pangulo na malapit kay Dacer, dahil ito umano ang kanyang ginagamit sa mga sikretong operasyon niya sa media.
Gayunman, dapat kalimutan na ni Sen. Lacson ang nararamdam niyang galit kay GMA para matigil na rin ang pagkalat ng kasinungalingan sa bansa.





Comments