Panawagan sa lahat ng motorista, kung ayaw magbayad ng multa, pairalin ang disiplina!
- BULGAR

- Dec 20, 2018
- 1 min read
MATATANDAANG, sunud-sunod ang naganap na hulihan dahil sa iligal na pagpaparada sa mga lansangan kung saan ilang video rin ang nag-viral at pinagpiyestahan ng mamamayan.
Gayunman, sa solusyon ng mga kinauukulan upang tuluyan nang matuldukan ang pagpapasaway ng ilang motorista, ang parusa sa mataas na multa na ipapataw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa kanila ay epektibo na.
Sinabi ni MMDA Spokesperson Celine Pialago, ang mga sasakyang iligal na nakaparada, pero mayroong driver sa loob ay magmumulta ng P1,000 mula sa dating halaga na P200.
Habang, kung wala naman ang driver sa sasakyan, mula P500 ay magiging P2, 000 na ngayon, gayundin, kung obstruction sa kalsada mula P150 ay magiging P1,000.
Tiyak na aaray talaga ang bulsa ng mga pasaway, higit pa sa doble ang itinaas nito, pero marahil, sa ganitong paraan ay matakot na ang ilan na kulang sa pakikinig at disiplina.
Samantala, para sa mga motorista, kung ayaw magmulta, simple lang, sumunod sa batas-trapiko.
Sa totoo lang, hindi sana tataasan ang multa kung umpisa pa lang, karamihan sa atin ay marunong nang makinig at sumunod.
‘Yung palagi tayong nagrereklamo na walang pagbabago, pero mismong tayo ay hindi marunong rumespeto sa mga patakarang may malaking epekto para sa bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments