CHINA AT INDIA, NAGHARI SA ASIAN CONTINENTAL CHESS

ITINANGHAL na hari at reyna sina GM Yi Wei ng China at Indian IM Padmini Rout sa open division at sa women’s bracket ayon sa pagkakasunod-sunod matapos ibaba ang telon ng 2018 Asian Continental Chess Championships sa Tiara Hotel ng Makati.
Nakipaghatian ng puntos si Wei, 2nd seed sa rating na 2728 kay Iranian GM Mohammad Amin Tabatabaei sa huling round ng paligsahang tinawag ding 2nd Manny Pacquiao Cup upang makapagrehistro ng kabuuang 6.5 puntos.
Ito at ang mas mataas na tiebreak output ay sapat na para makaakyat siya sa trono. Nakuha ni 15th seed Tabatabaei ang runner-up honors samantalang pumangatlo si 3rd ranked GM Quang Liem Le ng Vietnam. Mayroon ding 6.5 puntos ang Iranian ay ang Vietnamese.
Nakasampa sa pang-20 na posisyon sina IM Ricardo De Guzman at GM John Paul Gomez sa kartadang 5.0 puntos kasama ng pitong iba pang chessers. Pero nang lapatan na ng panuntunan sa tiebreak, lagpak palabas ng top 20 ang dalawang Pinoy (23rd De Guzman, 27th Gomez).Sa kabilang dako, nasaksihan ang pangatlong sunod na draw ni Rout, pangwalo sa seedings (FIDE rating: 2345), pero sapat na ito para makaipon ng 7 puntos sa kabuuan patungo sa trono.
Pumangalawa si WGM Qianyun Gong ng Singapore habang nakuha ni IM Le Thao Nguyen Pham ng Vietnam ang huling upuan sa podium. Nakihati sa paghawak sa pang-12 posisyon sina WIM Jan Jodilyn Fronda at WGM Janelle Mae Frayna Pilipinas kasama ng limang iba pa dahil sa naipong 5.0 puntos.





Comments