PIGAAN ANG LABAN NG INDIANO, PINOY, 11TH AT 17 POSITION PA

ISANG round na lang ang natitira pero dikdikan pa rin ang laban sa Open division ng ginaganap na 2018 Asian Continental Chess Championships sa Tiara Hotel ng Makati.
Salungat ang direksyon ng sagupaan sa mga kababaihan dahil ang tumatrangkong lady chesser mula sa India ay isang draw na lang ang layo sa korona.
Nakikipaghatian sa liderato sina GM Surya Shekhar Ganguly ng India, Iranian GM Mohammad Amin Tabatabaei at GM Yi Wei mula sa China para iangat ang produksyon nila sa 6 na puntos.
Pero anim na woodpushers pa ang may tsansang masikwat ang kampeonato dahil kasalukuyang may 5.5 puntos na sila at kalahating puntos lang ang lamang nina Ganguly, Tabatabaei at Wei.
Malaki na ang bentahe ng lead pack sa best performers ng Pilipinas na nasa pang-17 baytang.
Ito’y sina GM John Paul Gomez, IM Paulo Bersamina at IM Ricardo De Guzman sa rekord na 4.5 puntos.
Samantala, nakuntento si IM Padmini Rout, pangwalo sa seedings (FIDE rating: 2345), sa pakikipaghatian ng puntos sa round 8 laban kay IM Le Thao Nguyen Pham pero sapat na ito para mapanatili niya ang solo lead at para makalapit pa sa titulo sa rekord na 6.5 puntos.
Nakahati sa paghawak sa pang-11 posisyon sina WGM Janelle Mae Frayna at WIM Jan Jodilyn Fronda ng Pilipinas sa tulong ng naipong 4.5 puntos na dalawang buong puntos sa likod ng pacesetter mula sa India. Nasa pang-21 baytang si WIM Allaney Jia Doroy dahil sa rekord na 4.0 puntos.





Comments