Mga Katoliko, dagsa sa Simbang Gabi, panawagan ni P-Digong na ‘wag nang magsimba, tablado!
- BULGAR

- Dec 18, 2018
- 2 min read
PANANAMPALATAYA NG MGA KATOLIKO, NASA DIYOS PA RIN AT HINDI SA TRAPONG TULAD NI P-DUTERTE — Sa kabila ng panawagan ni P-Duterte sa mga Katoliko na huwag nang magsimba ay dinagsa pa rin ng mga Katoliko ang mga Simbahan sa unang araw ng Simbang Gabi.
Patunay ‘yan na nasa Diyos pa rin ang pananampalataya ng mga Katoliko at hindi sa mga trapo (traditional politician) na tulad ni P-Duterte, boom!
◘◘◘
MAS SHOCKING ANG ‘PALUSOT’ NI DIOKNO KAYSA SA SCAM NI NAPOLES — Mas shocking ang nabulgar na umano’y P75 billion ‘palusot’ ni Budget Sec. Benjamin Diokno sa 2019 National Budget kaysa sa sinasabing P10-B pork barrel scam noon ni Janet Napoles.
Sobrang laki kasi ang P75-B alingasngas na kinasasangkutan ni Diokno kaysa sa P10-B scam ni Napoles.
Kaya 'yung sinabi ni Diokno sa isang interview na hindi na siya dadalo sa imbestigasyon ng Kongreso ay hindi puwede ‘yan, kasi dapat malaman ng mamamayan kung para saan at kung sinu-sino ang mga magpaparte-parte sa pera ng bayan? Period!
◘◘◘
SA WAKAS, UMAMIN NA RIN SI ALVAREZ, CORRUPTION ANG UGAT NG BANGAYAN NG MGA KONG AT NI DIOKNO — Ibinulgar ni ex-House Speaker Pantaleon Alvarez na ang ugat daw ng bangayan ng mga kongresistang kaalyado ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at ng ‘bata’ ni P-Duterte na si Budget Sec. Benjamin Diokno ay tungkol sa umano’y korupsiyon sa road board fund ng DPWH at DOTr.
Ganu’n? Aba, noong si Alvarez pa ang Speaker, ang isa sa bukambibig nito ay anti-corrupt daw ang Duterte gov’t. pero ngayong hindi na siya Speaker, siya na rin mismo ang umamin, corruption ang pinag-aawayan ng mga tao ni GMA at bata ni P-Duterte, mga buset!
◘◘◘
TULOY ANG PAGBAHA NG DUGO KAHIT NGAYONG PANAHON NG KAPASKUHAN — Sabi ng PNP, kahit ngayong kapaskuhan ay tuloy pa rin ang kanilang ‘war on drugs’.
Okey 'yan, kung sana ay walang mababalitang ‘nanlaban’ kaya napatay, kasi nakakikilabot tingnan na ngayong kapaskuhan ay bumabaha ng dugo sa Pilipinas, 'kakatakot !





Comments