Masisira raw ang kasaysayan | Balangiga Bells, ipinagdamot ng Simbahan sa National Museum
- BULGAR

- Dec 17, 2018
- 3 min read
MAYABANG na, maramot pa! ‘Yan ang naisip natin nang malaman na kinokontra ng Diocese of Borongan, Eastern Samar ang resolusyon ng Senado na nanghihikayat na ipahiram nila ang isang kampana mula sa kababalik lang na Balangiga Bells.
Masisira raw ang kasaysayan kapag ginalaw ang kanilang pribadong pag-aari sabi ng sakim na taong-Simbahan.
Ang sinabi ng Senado ay pahiram lang at hindi permanenteng kukunin saka tatlo naman ang kampana na nasa inyo, bakit wala kayong puso na magpahiram kahit isa man lang?
Gayundin, hindi naman ninyo “private property” ang mga kampanang ‘yan. Pag-aari ‘yan ng mga Pilipino sapagka’t simbolo ‘yan ng pakikipaglaban ng ating bansa sa mga dayuhang gusto tayong sakupin.
Maganda ang ideyang ilagay ang isang kampana sa National Museum dahil mas madali itong mapupuntahan ng mga Pilipino.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, napakaraming mga estudyante mula sa high school at elementarya ang bumibisita sa National Museum, taun-taon, bilang parte ng kanilang pag-aaral tungkol sa kultura at kasaysayan ng bansa.
Kahit mga estudyante mula sa ibang probinsiya ay pumupunta sa National Museum para palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa istorya ng Pilipinas.
“Sana maipahiram naman nila… kung nand’yan ang bells, maipakikita natin kung gaano pinaghirapan ng ating mga kababayan ang ating kalayaan,” sabi ni Zubiri na siyang naghain ng panukala (Senate Resolution No. 965) kung saan inaatasan ang gobyerno na i-display sa National Museum ang isa sa Balangiga Bells. “Magpapasigla ito ng nasyunalismo,” dagdag pa nito.
Napakagandang layunin ito, ang payabungin ang pagmamahal sa ating bayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kabataan ng ating kasaysayan.
Ang Balangiga Bells ay ibinalik kamakailan ng gobyernong Amerikano matapos ang 117 taon mula nang kunin nila ito bilang “war booty”.
Ang tinatawag na “Balangiga massacre” ay ‘yung pagpatay sa libu-libong Samareño ng U.S. military sa pagsisimula ng pag-okupa ng U.S. sa Pilipinas noong 1901.
Todo-ganti ang mga Amerikano noong matapos ang matagumpay na pagsalakay ng mga Pilipinong rebolusyunaryo sa base ng bagong dating na mga dayuhang “colonizer” na pumalit sa mga Español.
Alam ba ninyong ibinenta tayo ng España sa Estados Unidos noong Disyembre 1898, matapos ang Spanish-American War? Tumataginting na $20 milyon ang ibinayad para makamkam tayo.
Binalewala ng dalawang imperyalista ang katatayo lang na Philippine Republic, maging ang sakripisyo ng mga rebolusyunaryong Pilipino na nais magtatag ng sarili nitong bayan at gobyerno.
Naantig ba ang Simbahang-Katolika sa ganitong mga argumento? Hindi!
Sinabi ng Diocese of Borongan na hindi nito papayagan ang pagpapahiram ng kahit isang kampana mula sa Parish Church of St. Lawrence Balangiga, Eastern Samar.
“Ang Senate Resolution 965 ay bayolenteng sinisira ang kasaysayan at ang banal na karakter at layunin ng Balangiga Bells. Dapat i-reject ito,” sinabi ng Simbahan sa isang opisyal na pahayag.
Sobrang ma-drama naman ang Diocese of Borongan. Panay ba panonood ninyo ng mga telenobela kaya ganyan kayo magsalita?
Gayunman, sinabi ni Sen. Zubiri na hindi niya pipilitin ang mga taga-Simbahan kung ayaw nitong ipahiram ang isang kampana.
“Kung ayaw nila ay di ‘wag. Pero napakaarogante naman nila para sabihin na hindi na nirerespeto ang kasaysayan ng ating bansa,” sabi ni Zubiri.
“Hinihiling lang natin na ipahiram nila ito sa mamamayang Pilipino, para matutunan nila ang kasaysayan ng ating bansa. Temporary o pansamantala lang naman ito,” dagdag pa ni Zubiri.
Hindi natin alam kung bakit takot na takot ang mga pulitiko sa Simbahan, puro dilawan lang naman ang sinusuportahan ng mga ito. Ang katotohanan ay ganid ang Simbahang-Katolika sa Pilipinas. Bilyun-bilyon ang pera nito pero, hindi man lang nagpakain sa mga nagugutom na mga Pilipino.
Sa rami ng kanilang lupain hindi man lang sila nagpatayo ng mga housing para sa mahihirap na walang sariling bahay.
Saan ba sila magaling? Sa pagbatikos at kritiko sa gobyerno ng Pilipinas, lalo na kapag ang pangulo ay hindi nanggaling sa hanay ng mga dilawan (apelyidong Cojuangco-Aquino).
Kung magsalita ang Diocese of Borongan, akala mo sila ang nagtrabaho para maibalik ang Balangiga Bells sa Pilipinas. Ang kredito sa pagsauli ng mga kampana ay kay Pangulong Rodrigo Duterte. Siya ang diretsahang nakipag-away sa mga Amerikano hanggan sa nakuha niya ang respeto ng mga ito.
Akala ba ninyo ay ibabalik ng U.S. ang mga kampana kung hindi astig ang pangulo natin? Kung “tsu-tsu” lang ang nasa Malakanyang, hindi nila papansinin ang ganitong hiling (ayaw ng U.S. military na nagbabalik ng mga “war booty”, ma-pride ang mga ito).
Sa totoo lang, natakot ang mga Amerikano kay P-Duterte matapos nitong ideklara ang kanyang “independent foreign policy” kung saan nakikipagkaibigan siya sa Russia at China, dalawang kalaban ng U.S.
Sa takot ng mga Kano na tuluyang maging anti-U.S. ang Pilipinas ay bigla itong bumait sa atin, na malinaw na makikita sa pagsauli ng Balangiga Bells.





Comments