Ilang nakikinabang sa pagbalik ng Balangiga Bells, walang karapatan?!

SIGURADO na bang magkakaroon ng submarine ang Philippine Navy (PN)? Kamakailan, dumalo ang ilang opisyal ng PN sa USS Greenville na dumaong sa Puerto Princesa, Palawan. Kabilang sa mga opisyal na dumalo sa USS Greenville ang Los Angeles-class fast attack submarine na si Capt. Edwin Nera ng Navy Submarine Group. Sa ating kaalaman, wala pang submarine ang PN. Pero, kung may nilikhang Submarine Group ang PN, mukhang itutuloy ang pagkuha ng submarine, balang-araw.
Malaking tulong ang submarine sa PN, lalo na sa pagpatrulya sa ating karagatan. Ikinatatakot ng anumang barkong pandigma man o sibilyan ang submarine. Pero, hindi lang submarine ang kakailanganin ng PN. Malaking gastusin para sa AFP kung bibili ng submarine, dapat may mga pangontrang eroplano at barko para protektahan ang submarine. Baka malayo pa ang PN para mapantayan ang hukbong-karagatan ng ibang bansa.
◘◘◘
Naibalik na ang Balangiga Bells sa Eastern Samar matapos ang 117 taon na hawak ng mga Amerikano. Ang pagbalik ng tatlong kampana ay nagsasara sa isa sa pinakamasamang kabanata sa pagitan ng Amerika at Pilipinas. Kinuha ng mga Amerikano ang tatlong kampana bilang “gantimpala” matapos nilang patayin ang higit dalawang libong Pilipino para bawiin ang pagpatay sa halos limampung Amerikanong sundalo noong 1901 digmaan sa pagitan ng dalawang bansa,.
Ang mahalaga, matibay at maayos ang relasyon at pagkakaibigan ng Amerika at Pilipinas. Ang pagbalik ng mga kampana ay nagpapatibay lalo sa relasyong ‘yan. Hindi na bale kung sino ang nasa likod o kung sino ang dapat tumanggap ng karangalan para sa pagbalik ng mga kampana. May mga nakikinabang na sa pagbalik nito kahit hindi naman totoo o walang karapatan. Walang tao ang puwedeng magsabi na sila ang nagpabalik sa mga kampana, wala. Ang mga Pilipino ang nagpabalik sa mga kampana.





Comments