Ang mga kampana ng Balangiga, ang magandang kaugalian at pagkatao ng mga Pinoy

KAPAG nakarinig tayo ng batingaw ng kampana, tila naririnig din natin ang tinig ng Diyos.
Noon, kapansin-pansin na tuwing alas-6 ng gabi kapag pinatutunog ang kampana ng Simbahan, humihinto at yumuyuko ang mga Pinoy saanman sila abutin ng batingaw nito. Tahimik na magdarasal ng Angelus, ang panalangin ni Maria nang dalawin Siya ng anghel.
Lumilipas ang panahon at ang natural na kapaligiran, napapalitan ng disyerto na may ibang tunog, amoy, liwanag at kulay.
Una, mabilis napalitan ang mga luntian at masaganang bukirin ng mga kongkretong bakal, plastik at polycarbonate na mga bahay at pagawaan na pag-aari ng malalaking “real estate developers” at korporasyon. Pangalawa, mahirap nang patakbuhin ang mga bukirin at sakahan dahil nasa siyudad na ang mga magsasaka upang maghanap ng trabaho — ang dating magsasaka ay manggagawa na ngayon. Pangatlo, dahil sa paglayo ng marami, napalayo na rin sila sa dating masaya at makabuluhang kaugnayan sa kalikasan. Pang-apat, kapag malayo sa kalikasan, malayo na rin sa Diyos. Panlima, ang magsasakang malapit sa Diyos, kalikasan at pamilya ay tapat na anak ng Inang Bayan at kung kinakailangan niyang ipagtanggol ang ating bansa sa anuman o sinumang kaaway ay handa siyang magsakripisyo at mag-alay ng buhay.
Ito ang istorya ng mga Kampana ng Balangiga na kinuha ng mga sundalong Amerikano mula sa parokya ni San Lorenzo, Diakono at Martir, Balangiga, Eastern Samar. Noong ika-28 ng Setyembre 1901, nilusob ng mga sundalong Pinoy ang mga sundalong Amerikano ng Company C ng 9th U.S. Infantry Regiment. Naagaw ng mga taga-Balangiga ang isandaang baril at 25,000 bala. Humigit-kumulang dalawampu’t limang Pinoy ang namatay sa sagupaan. Sa galit ng mga sundalong Amerikano, kinuha ng mga ito ang tatlong kampana ng Simbahan at iniuwi sa Estados Unidos. Pagkatapos ng mahabang panahon ng pagsisikap na maibalik ang mga kampana sa Pilipinas, nakabalik na ito pagkatapos ng 117 taon.
Muling tutunog ang mga kampana sa Balangiga. Bagama’t, tuluy-tuloy ang pagtunog ng mga kampana, marami nang nagbago. Sa kabila ng tuluy-tuloy na pagtunog ng mga kampana, unti-unti na bang hindi naririnig at nauunawaan ng marami ang ibig sabihin ng mayamang tunog ng mga ito?
Ngayong nakabalik na ang tatlong kampana sa ating bansa, kailangan na muling palalimin ang mayamang kahulugan ng batingaw ng mga ito. Mula noon hanggang ngayon, nananawagan ang mga kampanang mahalin at paglingkuran ang Diyos, kalikasan, kapwa at bayan. Magmahal at magsakripisyo para sa kapayapaan, katarungan at kalayaan ng lahat sa anumang pang-aabuso at pang-aapi.





Comments