top of page
Pokwang.jpg

Amnestiya sa taxpayers na may utang sa buwis

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 16, 2018
2 min read

PARA sa mga may utang sa tax – medyo makahihinga na tayo. Kung noon, isa ito sa nagpapa-stress sa atin dahil sa kaiisip na baka bigla tayong magkaroon ng kaso ngayon, relax muna nang konti.

Ratipikado na ng dalawang sangay ng Kongreso (Senado at Kamara) ang Tax Amnesty Bill. Ibig sabihin, pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay, ganap nang magiging batas ito.

Noong Huwebes, ika-13 ng Disyembre, pormal nang niratipikahan ang panukalang pagbibigay amnestiya sa may utang sa buwis.

Ano ang ibig sabihin ng tax amnesty? Sa panukalang ito, layuning bigyan ng kaukulang panahon ang mga taxpayer na hindi nakapagbabayad ng buwis mula 2017 pababa.

Uulitin natin –utang sa buwis mula 2017 pababa – ibig sabihin, sakop ang utang kahit noon pang 19 kopong-kopong.

Paano ba ang sistema sa paghingi ng tax amnesty? Isang taon ang ibibigay na palugit sa mga may utang sa buwis, matapos ang implementasyon ng batas, maliban na lamang sa mga may pagkakautang sa estate tax o ating mga ari-ariang hindi na nabayaran ang buwis. Dalawang taon pagkatapos lumabas ng IRR o ang implementing rules and regulations, ang ibibigay na palugit para makapag-settle sila ng kanilang atraso sa estate tax.

Kapag tuluyang naisabatas, malaking benepisyo ito sa mga pamilyang may ilang dekada nang nakatengga ang mga ari-arian dahil hindi pa bayad ang estate tax, lalo na sa mga pamilya ng yumao na bago pumanaw ay hindi na nakapagbayad ng buwis sa kanyang mga ari-arian.

Sa mga nagnanais sumailalim sa tax amnesty, may dalawa tayong opsiyon. Una, maaaring bayaran muna ang 2 porsiyento ng halaga ng buong assets. Pangalawa, bayaran muna ang 5 porsiyento ng halaga ng buong ari-arian mula noong Disyembre 31, 2017 pababa.

Lahat ng sasailalim sa tax amnesty program ay nakasisigurong hindi sasampahan ng anumang kasong sibil, kriminal at administratibo gayundin, hindi pagbabayarin ng anumang uri ng tax habang nasa proseso ng amnestiya.

Lahat ng impormasyon at detalye tungkol sa taxpayer na sumailalim sa tax amnesty ay kailangang manatiling confidential at hindi maaaring isapubliko. Hindi rin ito maaaring gamiting ebidensiya sa anumang pagdinig.

Malinaw sa panukala na lahat ng books of accounts and records ng taxpayer na sumasailalim sa programa ay hindi dapat busisiin ng BIR.

Anumang impormasyong lalabas sa publiko sa hindi makatarungang paraan ay may kalalagyang ligal.

Kung ang nagsiwalat ng confidential records ng tax amnesty requester ay pribadong indibidwal, papatawan siya ng parusang pagmumulta ng P150, 000 at maximum jail term o pagkabilanggo nang hanggang 10 taon.

Kung ang nagsiwalat naman ng mga impormasyon ay government official o employee, papatawan siya ng multang aabot nang hanggang P1 milyon, pagkabilanggo nang hanggang limang taon at panghabambuhay nang hindi maaaring makapagsilbi sa anumang posisyon sa gobyerno.

Sa pamamagitan ng batas na ito, tiyak na makalilikom ang gobyerno ng tinatayang P41 bilyon na maaaring magamit na pondo sa mga proyektong pang-imprastruktura at para sa pagpapatupad ng social mitigating measures base sa nilalaman ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page