U.S. COACH BYRD AT HINDI SI LEWIS ANG BAGONG MENTOR NG DLSU ARCHERS
- BULGAR

- Dec 15, 2018
- 1 min read

HINDI ang dating Qatar coach na si Tim Lewis ang magiging head coach ng De La Salle University sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.
Taliwas sa mga naunang naglabasang balita, isiniwalat ng ilang mga mapagkakatiwalaang sources na si American coach Jermaine Byrd ang kinuha ng Green Archers para maging bago nilang coach. “Tim Lewis was just one of the options,” wika ng isa sa sources na hindi na nagpakilala sa naunang panayam na lumabas sa Tiebreaker Times. “Coach Jermaine is the one we were really eyeing.”
Si Byrd ang ipapalit kay dating coach Louie Gonzalez na pumalit sa dating coach na si Aldin Ayo na lumipat sa University of Santo Tomas noong nakaraang Enero. Taga-Houston, Texas at produkto ng University of Sioux Falls, nagsimula ng kanyang coaching career si Byrd noong 2005 bilang Assistant Coach para sa University Of Houston Lady Cougars.
Naging bahagi rin siya ng mga koponan sa G-League na Tulsa 66ers, Sioux Falls Skyforce, at LA Defenders at assistant coach sa Team USA noong 2011 Pan-Am Games.
Pamilyar din siya sa Asian basketball dahil naging player development coach para sa KBL team na Samsung Blue Minx at Goyang Orions. Kasama niya at magsisilbi niyang coaching staffs ang San Miguel Alab Pilipinas staffs na sina Danny Seigle (consultant), Chappy Callanta (strength and conditioning), Mc Abolucion (video) at Lamont Waters (liason officer). (VA)




Comments