ISA NA LANG SA HOTSHOTS!


MULING nasikwat ng Magnolia Hotshots ang bentahe sa best-of-seven series matapos kalusin ang Alaska Aces, 79-78 sa Game 5 ng 2018 Philippine Basketball Association, (PSA) Governors Cup finals kagabi sa Araneta Coliseum.
Binaon ni Paul Lee ang panelyong dalawang puntos upang makuha ng Hotshots ang matamis na panalo at hawakan ang 3-2 bentahe papasok ng Game 6 sa Miyerkules. Namuno sa opensa para sa Magnolia si Ian Sangalang na nagtala ng 20 points habang 11 ang inambag ni Lee.
Maagang ipinaramdam ng Magnolia ang kanilang lakas matapos nilang harurutin ang unang dalawang periods, hinawakan nila ang 13-point lead, 53-40 sa halftime.
Pero dumikit ang Aces sa third period naibaba nila sa tatlong puntos ang hinahabol, 62-65 papasok ng fourth.
Sa kalagitnaan ng third canto, naagaw ng Alaska ang bandera subalit binawi agad ito ng Hotshots bago matapos ang third canto.
Samantala, maugong na si CJ Perez ang magiging top pick sa gaganaping 2018 PBA Rookie Draft.
Unang pipili ang Columbian, pero hindi pa sila nagbibigay ng pangalan kung sino ang kanilang kukunin. Para kay 25-year-old forward Perez, matindi ang pressure sa pagiging number one overall pick. “Malaki kasi ang expectation sa iyo ng mga tao kay pressure yun,” saad ni dating Lyceum of the Philippines star Perez.
Kahit paano ay nakaramdam na si Perez ng malupit na pressure dati, una sa San Sebastian kung saan ay binansagan siya ng mga fans na “Baby Beast,” at pagkatapos ay ang dalawang seasons niya sa Lyceum, nahirang siyang NCAA Season 93 MVP.
Subalit ang pressure na nararamdaman niya ngayon ay pinaghuhugutan niya ng lakas upang matupad ang kanyang pangarap. “Siyempre mamo-motivate ka sa pressure na ‘yun, lakas loob akong nag-apply para sa draft at sobrang blessed lang namin lahat na makaabot sa sitwasyon na ito,” ani Perez. “Masaya ako.” (ATD)
Laro sa Miyerkules: (Ynares Center-Antipolo)
7:00 p.m. - Alaska vs Magnolia





Comments